Pormal nang naipasa sa mga lokal na magsasaka ang bagong 20,000 Bags Capacity Onion Cold Storage Facility sa pamamagitan ng isang turnover ceremony na ginanap sa Brgy. Cabalantian, Bacolor, Pampanga. Dinaluhan ito nina Assistant Secretary on Logistics ng Department of Agriculture (DA) Daniel Alfonso Atayde, Regional Executive Director ng DA RFO III Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., at mga opisyales mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Bacolor sa pangunguna nina Mayor Eduardo G. Datu, Vice Mayor Ron Earvin Dungca, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Ang Bacolor Onion Farmers Association (BOFA) ang napiling benepisyaryo ng proyekto. Ito ay isang organisasyong binubuo ng 24 na aktibong miyembro na nagtatanim ng sibuyas at iba pang high-value crops sa kabuuang 60.74 ektarya ng lupain sa Bacolor, Pampanga. Pinangungunahan ito ni Mr. Ferdinand R. Pineda, na nagsilbi ring tagapagsalita ng mga magsasaka sa seremonya.
Ang pasilidad ay may layuning maiwasan ang pagkasira ng mga ani, partikular ng sibuyas, na isa sa mga pangunahing suliranin ng mga magsasaka sa rehiyon. Sa pamamagitan ng tamang imbakan, mas mapapangalagaan ang kalidad ng ani, mas mahaba ang shelf life nito, at mapapataas ang kita ng mga magsasaka.
Nagsimula ang programa sa isang ribbon-cutting ceremony at pagbubukas ng marker ng cold storage facility. Sinundan ito ng isang panalangin at mga pormal na pagbati mula sa mga panauhing pandangal. Ipinahayag ng bawat opisyal ang kahalagahan ng proyekto sa pagpapaunlad ng lokal na agrikultura.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dr. Eduardo Lapuz, Jr. ang papel ng kooperasyon para sa tagumpay ng mga inisyatibo ng pamahalaan, “Ang hiling lang po ng Department of Agriculture kahit anumang programa yan, kahit anumang proyekto, ay sana po ay pagtulungan nating ma-sustain. Pagtulungan po natin na maging progresibo at successful po ang ating mga programang binibigay or inilalatag sa ating mga farmers.”
Samantala, inalala ni Mayor Eduardo Datu ang sakripisyo ng mga magsasaka at ang responsibilidad ng bawat isa na suportahan sila, “Lahat ng meeting ng ating farmers association, dinadaluhan ng mga farmers natin, dahil naniniwala sila na hindi niyo sila pababayaan. Tulong tulong tayo sa pagtulong sa ating mga magsasaka, dahil lagi naman nating sinasabi na kapag walang magsasaka wala tayong kakainin. Totoo naman po iyon at alam natin iyon.”
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na makapasok at makita mismo ang loob ng bagong pasilidad.
Isa sa mga mahalagang bahagi ng seremonya ay ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation, na nagsasaad ng pormal na paglipat ng pagmamay-ari ng pasilidad sa mga lokal na samahan ng mga magsasaka.
Sa tuloy-tuloy na suporta mula sa pamahalaan at aktibong partisipasyon ng mga magsasaka, isang mas makabago, episyente, at sustenableng agrikultura ang unti-unting nabubuo sa puso ng Pampanga.
