Isang Workshop on the Documentary Requirements for Common Government Transactions ang isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pangunguna ng Accounting Section noong Hunyo 10-11, 2025, sa Savannah Hotel, Angeles City, Pampanga.

Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng Opening Remarks ni Norina David, Chief ng Administrative and Finance Division.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng aktibidad bilang suporta sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) at pagpapalakas ng transparency sa mga proseso ng pamahalaan.

Kasunod nito, ipinaliwanag ni Laieson Cabigao, Chief ng Accounting Section, ang Rationale of the Activity.

Ibinahagi niya ang mga layunin ng pagsasanay, kabilang na ang pagpapalawak ng kaalaman sa mga patakarang itinakda ng Commission on Audit (COA) at pagbibigay-linaw sa mga dokumentong kailangang isumite sa mga karaniwang transaksyon sa gobyerno.

Tinatayang humigit-kumulang 60 empleyado mula sa nasabing ahensya ang lumahok sa naturang workshop.

Kabilang sa mga nagsilbing tagapagsalita ay sina Laieson Cabigao, Rosalito Tiongco, Joy Bendicio, Mary Rose Estrabillo, at Ma. Kharene Rabe — pawang mga kawani mula sa Accounting Section ng ahensya.

Tinalakay nila ang iba’t ibang bahagi ng workshop, tulad ng tamang pagproseso ng mga transaksyon, karaniwang pagkukulang sa mga dokumento, at mga konkretong halimbawa mula sa aktwal na karanasan ng kanilang opisina.

Nagkaroon din ng mga open forum at case presentations na nagbigay ng oportunidad sa mga kalahok na linawin ang ilang isyu at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa field.

Bilang pangwakas na mensahe, nagbigay ng kanyang suporta at pagpapatibay sa layunin ng aktibidad si Dr. Irene Adion, Regional Technical Director for Research, Regulations and Integrated Laboratory Services.

Sa kabuuan, naging makabuluhan at matagumpay ang dalawang-araw na aktibidad na naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga empleyado ng kagawaran upang maisulong ang episyente, tapat, at makataong serbisyo publiko.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong