Naging tagpuan ang St. Isidore “the FARMer” Resort sa San Isidro, Sta. Ana, Pampanga noong Hunyo 11, 2025 para sa mga kinatawan ng sektor ng agrikultura mula sa pitong lalawigan sa Gitnang Luzon sa isinagawang FY 2025 Lowland Vegetables and Legumes Stakeholders Meeting.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Agriculture – Regional Field Office III (DA-RFO III) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP).
Layunin ng pagtitipon na pag-usapan ang kasalukuyang kalagayan ng produksyon ng mga gulay at legumes sa rehiyon, magbahagi ng datos, at maglatag ng mga plano para sa susunod na taon upang mas mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Dumalo sa pulong ang mga Provincial Coordinators. Naging pagkakataon ito upang magkaisa sa pagpapahayag ng mga hakbang na tutugon sa mga pangangailangan ng bawat lalawigan pagdating sa produksyon ng gulay at legumes.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng pambungad na pananalita ni Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Regional Executive Director ng DA-RFO III. Kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon ng bawat probinsya upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng mga programa ng kagawaran.
Ipinakita naman ni Engr. Margie Lyn Diego, Alternate Report Officer ng HVCDP, ang kabuuang sitwasyon ng industriya ng lowland vegetables and legumes sa rehiyon. Tinalakay niya ang mga pangunahing datos, mga kinakaharap na hamon, at ang mga oportunidad para sa pagpapalago ng sektor.
Upang masiguro ang proteksyon sa ani ng mga magsasaka, nagbahagi si Jamaica Rose Andaya mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng mga impormasyon tungkol sa crop insurance na maaaring makinabang ang mga benepisyaryo sa panahon ng sakuna o pagkasira ng ani.
Nagbigay rin ng mga bagong rekomendasyon si Rosalyn Fulgencio mula sa Regional Crop Protection Center (RCPC) kaugnay ng Integrated Pest Management (IPM) o pinagsamang paraan ng pagkontrol sa peste na maaaring gamitin ng mga magsasaka upang mapanatiling ligtas ang kanilang mga pananim.
Bilang pagwawakas sa programa ay nag pahayag ang bawat Provincial HVCDP Coordinator, kung saan ibinahagi nila ang kani-kanilang production data, kalagayan ng kalakalan, at mga inisyatiba sa kanilang lalawigan na tumutok sa pagpapalakas ng industriya ng gulay at legumes.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong
