Pormal nang inilunsad ang KADIWA Store sa Dairy Box sa bayan ng Orani, Bataan noong ika-17 ng Hulyo, na naglalayong mapalawak ang access ng mga mamimili sa abot-kayang produkto at matulungan ang mga lokal na magsasaka at kooperatiba sa pagbebenta ng kanilang ani at produktong agrikultural.

Ang aktibidad ay isinagawa sa Orani Dairy Box, matatagpuan sa kahabaan ng Mulawin Roman Superhighway, sa ilalim ng pakikipagtulungan ng Department of Agriculture – Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) at ng Philippine Carabao Center (PCC).

Dumalo sa paglulunsad sina DA RFO 3 Regional Technical Director for Special Concerns Engr. Juanito Dela Cruz, PCC at CLSU Head of Admin & Finance Dr. Apolinario Salazar, Jr., at PCC Deputy Executive Director Dr. Edwin Atabay.

Nagpahatid din ng mensahe ng suporta si Congressman Atty. Tony Roman, kinatawan ng Orani Municipal Local Government Unit na si Toni Arizapa, at Provincial Agribusiness Coordinator Julio Jose Tuazon.

Sa isinagawang seremonya, binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng proyektong ito upang palakasin ang direktang koneksyon ng mga lokal na prodyuser sa mga mamimili, habang isinulong din ang pagkonsumo ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement, nakasaad na ang mga produkto sa Dairy Box ay kailangang binubuo ng hindi bababa sa 60% carabao-related food at non-food products, habang ang natitirang 40% ay maaaring ibang mga produktong agricultural tulad ng mga prutas at gulay.

Itinuturing ng DA ang lokasyon ng Dairy Box bilang isang estratehikong sentro para sa KADIWA upang palawakin ang saklaw ng KADIWA ng Pangulo (KNP) Program.

Kasama sa mga obligasyon ng PCC ang pagtiyak na ang mga Farmers’ Cooperative Associations (FCA) na nagpapatakbo ng Dairy Box – KADIWA Centers ay rehistrado sa Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS) at kinikilala bilang KNP Program Suppliers/Consolidators.

Sa kanyang pahayag, ipinahayag ni Chairperson Pilipino Victor S. Cruz, operator ng KADIWA Store, ang pasasalamat sa pagbubukas ng oportunidad para sa kanilang samahan.

“Ang KADIWA Store ay magsisilbing tulay upang mas mapalapit ang produkto ng mga magsasaka sa merkado. Malaking tulong ito sa aming kabuhayan,” aniya.

Layunin ng KADIWA Store na maihatid sa publiko ang mga de-kalidad at abot-kayang produkto habang tinutulungan ang mga magsasaka at kooperatiba na mapalawak ang kanilang kita at mapatatag ang lokal na produksyon.

Kasabay din na inilunsad ay ang “Benteng Bigas Meron na” kung saan makabibili ang mga vulnerable sectors sa komunidad ng abot-kayang presyong bigas.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong