Nakatutuwang marinig at mabasa sa iba’t ibang pahayagan, telebisyon, radyo o sa makabagong social media ang mga kwento patungkol sa mga kabataang nagkakaroon ng lakas ng loob na pumasok sa sektor ng agrikultura. Batid natin na sa kasalukuyang panahon, tumatanda na ang mga magsasaka at mangingisda ng bansa at may mga banta sa sector tulad ng tumataas na klima at mga kalamidad. Ngunit sa kabila nito, hindi napanghinaan ng loob ang agri-business owner ng Sunshine AE L’s Farm na si Jennie Liza P. Flores.

Ang Sunshine AE L’s Farm ay nabuo mula sa pagsisikap ng isang kabataan at solo-parent na si Jennie Liza P. Flores (28) mula sa Sta. Lucia, Sta. Ana, Pampanga. Nagsimula ang pagyakap ni Jennie sa kabutihang dulot ng agrikultura ngayong panahon ng pandemya noong binuksan ng sariling tiyuhin ang kaniyang kamalayan sa mundo ng quail farming o ang pag-aalaga ng pugo. Naging malaking hakbang ang pagpasok ni Jennie sa puguan business upang mataguyod ang dalawang anak sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Kasalukuyan, ang Sunshine AE L’s Farm ay tumutugon sa pangangailangan ng lokal na komunidad pagdating sa itlog ng pugo at iba pang produktong kaugnay sa puguan. Isa rin sa pinagkakaabalahan ni Jennie ay ang pagpoproseso ng pugo tulad ng paggawa ng kwek-kwek, pagpupugulot at ang burong itlog ng pugo na kung saang binebenta niya rin sa tuwing araw na wala siyang pasok sa kaniyang trabaho bilang kalihim ng kanilang kooperatiba.

Kamakailan, dahil sa pagsisikap ni Jennie, nasungkit niya ang parangal bilang isa sa mga Central Luzon Regional Awardee sa naganap na Young Farmers Challenge: Kabataang Agribiz Program na kung saan nakatanggap siya ng financial grant na nagkakahalaga ng P150,000. Ang natanggap na financial grant mula sa patimpalak ay ginamit niya upang pangdagdag sa agribusiness na puguan. Bilang bahagi ng sektor ng kabataan, ninais ni Jennie na tugunan ang hamon ng patuloy ng pagtanda ng mga magsasaka ng bansa at maipakita sa kapwa kabataan na may pera sa agrikultura kung kaya lumahok siya sa nasabing patimpalak.

Naniniwala si Jennie na sa agrikultura ay ang susi ng kaunlaran ng bansa kung kayat hinihikayat niya ang kapwa kabataan na linangin ang kaalaman sa naturang sektor. Ang paglahok ng kabataan ay isa sa solusyon upang magkaroon ng magandang hinaharap ang bansa.