Tampok sa Plaridel, Bulacan Matagumpay na isinagawa ang Harvest Festival ng Lowland Vegetables Technology Demonstration sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA RFO 3) nitong ika-9 ng Pebrero ngayong taon sa Sitio Bagong Sikat, Barangay Tabang, Plaridel, Bulacan.
Pinahayag ni HVCDP Coordinator Engr. AB David ang naging pangunahing layunin at overview ng nabuong proyekto.
“Nilalayon po naming makapag-establish ng technology demonstration para makita ang different varieties ng gulay na ino-ooffer ng ating mga participating seed companies at ma-determine ang mga agronomic characteristics ng bawat barayti ng gulay na itinanim sa ating demo site at cost-benefit analysis/cost and return analysis nito,” dagdag ni Engr. David.
Sa pakikipagtulungan sa Provincial Agriculture Office at Municipal Agriculture Office ng bayan ng Plaridel, naipamalas ng mga seed companies (East-West Seed Company, Allied Botanical Corporation, Ramgo International Corporation) katuwang ang Samahan ng mga Magsasaka ng Banga at Tabang ang mga makabagong pamamaraan at teknolohiya sa pagtatanim ng gulay.
Ang bawat seed company ay nabigyan ng 1,000 square meter area na kanilang ginamit upang maipamalas ang kanilang mga lowland vegetable varieties.
Hangad ni Elma Mananes, Chief ng Field Operations Division ng DA RFO 3, na maipagpatuloy ang pagpapalawig ng proyekto at pagsasanay sa mga magsasaka ng Bulacan. “Itinuturo po sa ating mga mahal na magsasaka ang isang alternative na pagkakakitaan o hanapbuhay, sana ay mai-apply ang ginawang pamamaraan sa kanilang mga palayan upang magkaroon ng masaganang ani at mahikayat ang mga kabataan na ma-engage sa agriculture sector,” pahayag ni Chief Mananes. Samantala, naniniwala si HVCDP and National Urban and Peri-Urban Agriculture Program Director Gerald Glenn Panganiban na maisasakatuparan at maipatutupad nang maayos ang mga programa at proyekto ng DA sa tulong at kooperasyon ng iba’t ibang ahensiya.
“Tayo ay magtulungan sa pagpapalakas ng collaboration sa pagitan ng Local Government Unit, Office of Provincial Government at Department of Agriculture upang maibigay ang mga pangangailangan ng ating magsasaka,” saad din ni Director Panganiban. Lubos ang pasasalamat at kagalakan ni Jaime Jimenez, cooperator na nagmamay-ari ng tinaniman na lupa sa naging magandang ani at resulta ng isinagawang techno-demo.
Dagdag pa rito, ang mga aanihing gulay ay maibibigay kay Ka-Jaime na naging punong tagapamahala at nagpahiram ng kaniyang lupang taniman. Ilan sa mga gulay na itinanim ay talong (hybrid F1 at open pollinated variety OPV), kamatis (F1 at OPV), sili (F1 at OPV), ampalaya (F1 at OPV), kalabasa (F1 at OPV), sitaw (OPV) at okra (OPV).