Matagumpay na naidaos ang field day ng 100 Hectare Provincial Hybrid Rice Technology Demonstration Farm ng Kagarawan ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon katuwang ang iba’t-ibang pribadong kumpanya ng hybrid na binhi; Provincial at Municipal Local Government Unit ng Tarlac at ang AMIA Cruz Farmers Association nitong ika-1 ng Marso sa Barangay Cruz, Victoria, Tarlac.
Ang layunin ng programang ito ay upang isulong ang paggamit ng rekomendadong hybrid rice varieties, mga makabagong teknolohiya at kasanayan sa pamamahala.
Ipinapakita rin dito ang clustering approach para sa produksyon, pag-aani, pagpoproseso hanggang sa merkado. Nangangahulugan na makakatuwang ng mga grupo ng magsasaka ang gobyerno kasama ang pribadong sektor hanggang sa pagbebenta ng kanilang aning palay.
Nakasama ng Kagawaran sa aktibidad ang anim na kumpanya ng binhi na kinabibilangan ng SL AgriTech, LongPing, SeedWorks, Bayer, Syngenta at Corteva na nagsilbing consultant din ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim ng mga hybrid seeds.Samantala, ang AMIA Cruz Farmers Association mula Victoria, Tarlac ang nagsilbing cooperator na binubuo ng 29 na magsasaka. Maliban sa hybrid seeds ay napagkalooban din sila ng libreng farm input na pataba na lubos na nakatulong sa kanila upang mapababa ang gastusin sa produksyon.
Target ng DA sa implementasyon ng programang ito ang mula Gitnang Luzon ay ang lalawigan ng Nueva Ecija at Tarlac na pinakanagbibigay ng magandang ani ng hybrid na palay. Ayon kay Regional Seed Coordinator Christian Ramos, magpapatuloy ang hybridization program dahil tumutulong ito upang mapataas ang pagiging produktibo sa tuntunin ng paggawa ng bigas. Kasunod nito, malaki ang naging pasasalamat ng Chairperson ng AMIA Cruz Farmers Association na si Lina S.
Apolonio sa naitulong sa kanila ng kagawaran.“Kung dati ay ang magsasaka ay namomroblema sa binhi, ngayon ay hindi napo dahil sa tulong ng Department of Agriculture, ng OPA, ng LGU.
Kaya hinihikayat kopo ang aking mga kapwa magsasaka na akapin ang programang hybridization dahil napapaganda nito ang ating ani at isa napo ako sa nagpapatunay nito”, sambit ni Apolonio.Sa huli, hinikayat din ang mga magsasakang hindi pa rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na mag-enrol sa munisipyong nasasakop ng kanilang sakahan upang makatanggap sa mga programang isinasagawa ng DA.