PNagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ng paggawad ng mga sertipikasyon sa mga benepisyaryong magsasaka nitong ika-6 ng Mayo na ginanap sa PhilRice, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Pinangunahan ito ng Kalihim ng Pagsasaka na si William Dar kasama sina Philippine Carabao Center OIC – Director Ronnie Domingo, Philippine Rice Research Institute Director John De Leon, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization Director Dionisio Alvindia, DA Regional Field Office 3 Director Crispulo Bautista Jr., Regional Technical Director Eduardo Lapuz, Jr. at Center Chief Ma. Jodecel Danting ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Freshwater Fisheries Technology Center. “With all the help and interventions na ibinibigay under RCEF at saka roon sa Components ng Integrated National Rice Program, mayroon na tayong pinakamataas na rice production last year at the level of 19.9 MMT.

Kami po ay tuwang tuwa dahil palaging ang Nueva Ecija ay numero uno rito po sa aming objective na masaganang ani at mataas na kita,” pahayag ni Kalihim William Dar. Umabot ng Php 142,534,128 ang inilaang pondo ng PhilMech sa ilalim ng proyektong Rice Competitiveness Enhancement Fund – Mechanization Program para sa 71 Farmers’ Cooperatives and Associations ng apat na distrito ng probinsiya ng Nueva Ecija. “Ito na po ang tinatawag na biyaya ng Rice Tarrification Law, nang dahil sa pinagsama-samang programa ng Department of Agriculture kasama na po ang RCEF, nakikita po natin ang patuloy na pagtaas ng produksyon ng ating palay,” pahayag ni PhilMech Director Alvindia.Nilalayon ng programa na makatulong ang mga makinarya na maging moderno at makabago ang teknolohiya sa sektor ng agrikultura na magpapababa sa production cost at postharvest losses.

Ilan sa inaasahang kanilang matatanggap ngayong taon ay ang 47 four-wheel tractor, 19 rice combine harvester, 15 hand tractor, apat na precision seeder, dalawang riding type transplanter, tatlong reaper, isang mobile dryer at isang walk behind transplanter.

Inilahad ni Savers Farmers Association Chairman Rudy Boada ng Munisipyo ng Talugtug ang pakinabang at magandang dulot ng makinaryang kanilang matatanggap. “Magagamit at makikinabang po ang lahat ng aming miyembro sa asosasyon sa aming natanggap na makinarya, napakalaking tipid nito sa paggamit ng traktora kaya napakalaki po talagang tulong sa mga magsasaka ang mga ibinibigay ng DA. Sa ngalan po ng aming asosasyon, nagpapasalamat kami sa DA, PhilMech at kay Secretary Dar,” saad ni Boada.

Ibinahagi rin ni Kalihim Dar ang nais ipabatid at mensahe ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga magsasaka ng bansa. “Pakisabi po sa ating magsasaka na minamahal ko po sila at kung ano pa ang maitutulong natin ay iyon ang gagawin po namin. Aasa po kayo na ang ating pangulo ay gagawin ang kaniyang makakaya at ganoon din sa aming mga miyembro ng kabinete—gagawin po namin kung ano po ang puwedeng makarating na tulong hanggang June 30, 2022,” dagdag pa niya.

#DACentralLuzon#OneDA