Ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP), Rice Program at Corn Program ay namahagi ng Agricultural Infrastructures at Small Scale Irrigation Projects sa mga Farmers’ Cooperative and Associations (FCAs) sa probinsya ng Bulacan nitong ika-27 ng Setyembre 2022.
Ang pamamahagi ay pinangunahan ni National HVCD Program Director, Gerald Glenn Panganiban kasama sina Chief ng Field Operations Division, Elma Mananes, Agriculture Program Coordinating Officer ng Bulacan, Alfredo Tolentino, Regional HVCDP Focal Person, Engr. AB P. David, Corn Program Coordinator, Adela Peñalba, representante mula sa RAED, Engr. Lester Bacual, Provincial Governor ng Bulacan, Hon. Daniel Fernando, Provincial Agriculturist, Ma. Gloria SF. Carrillo, Provincial HVCDP Coordinator, Raymart Santiago at Municipal Mayor ng Angat, Bulacan, Hon. Reynante Bautista.
Ibinahagi ang isang yunit ng Packaging House Facility na nagkakahalaga ng P1,425,073.83, isang yunit ng Corn Sheller na nagkakahalaga ng P350,000.00 at isang yunit ng Warehouse with Dryer na nagkakahalaga ng P5,000,000.00 sa Prime Farmers Association, Inc. ng Brgy. Sta. Lucia, Angat, Bulacan.Samantala, nakatanggap naman ng isang yunit ng Wind Powered Irrigation System na nagkakahalaga ng P499,000.00 ang Coral na Bato Farmers Association ng Brgy. Coral na Bato, San Rafael, Bulacan at isang yunit ng Greenhouse with Hydroponics under the Urban Agriculture Program na may halagang P913,894.30 para sa Samahan ng Magsasaka at Maggugulay ng Tukod ng Brgy. San Rafael, Tukod, Bulacan.
Sa pamamahaging ito, hinikayat ni Direktor Panganiban na siya ring Director ng Bureau of Plant Industry ang Prime Farmers Association, Inc. na magsanay sa vegetable consolidation gamit ang pasilidad na natanggap upang makabuo ng matatag na pamilihan at magpaGAP (Good Agricultural Practices) Certified ng kanilang produktong gulay at lupang sakahan upang tumaas ang kalidad nito.
Hinimok din naman nina Engr. David at Provincial Agriculturist Carrillo ang bawat grupo na tulungan ang kanilang mga Agricultural Extension Workers na ireport ang aktuwal na lawak ng lupang sakahan at dami ng produksiyon upang magkaroon ng eksaktong datos ng pagtatanim at pag-aani hindi lamang sa kanilang mga munisipalidad, bagkus sa buong lalawigan ng Bulacan.