Bilang selebrasyon sa Animal Welfare Week, ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Regulatory Division katuwang ang Provincial Veterinary Office (PVO) ng Pampanga at International Wildlife Coalition Trust (IWCT) ay nagsagawa ng libreng spaying at neutering sa mga pusa at aso nitong ika-5 ng Oktubre na ginanap sa PVO Building, Sindalan, San Fernando, Pampanga.
Pinangunahan ang aktibidad na ito ng Hepe ng Regulatory Division Dr. Xandre Baccay; Head ng IWCT Philippines Susan Llnera; at Provincial Veterinarian ng Pampanga Dr. Agusto Baluyut.
Ang prosesong spaying ay pagtanggal sa reproductive organ ng babaeng aso at pusa at neutering naman para sa lalake.
Ito ay ginagawa upang maiwasan ang hindi planadong pagbubuntis upang makontrol ang kanilang populasyon; magkaroon ng mahabang buhay; at magandang kalusugan o maiwasan ang anumang impeksyon tulad ng pyometra na isang impeksyon sa uterus ng babaeng aso o pusa.
Samantala, ang IWCT ay isang UK based animal charity na may treatment center sa Concepcion, Tarlac sa Pilipinas. Tumulong ang IWCT na tanggalin ang kalakalan ng karne ng aso sa Pilipinas at nagsusumikap na wakasan ang paghihirap ng mga ligaw at hindi gustong mga aso. Tinatayang nasa 40 na pusa at 10 aso ang sumailalim sa libreng operasyon.
Bukod dito, ayon kay Dr. Baccay, ang ganitong aktibidad ay gaganapin taun-taon tuwing selabrasyon na Animal Welfare Week.