Nagdaos ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa pamamagitan ng National African Swine Fever Prevention and Control Program (NASFPCP) ng Information Caravan para sa mga Hog Raisers ng Nueva Ecija nitong ika-11 ng Oktubre sa Auditorium, Old Capitol Compound, Burgos Street, Cabanatuan City, Nueva Ecija. Layunin nito na matugunan ang problema sa ASF at muling itaas at pasiglahin ang industriya ng pagbababoy.

Ito ay dinaluhan ni Chief of Regulatory Division Dr. Xandre Baccay, Animal Welfare Officer Dr. Agnes Uera, Regional Coordinator Dr. Christian Daquigan, Information Officer Wendy Almasan, Information Officer II Dr. Christine Alejo, Provincial Veterinarian Dr. Jennilyn Averilla, Philippine Crop Insurance Corporation Representative Mario Lumibao, City and Municipal Veterinarians, Municipal Agricultural Officers, Hog Raisers, Livestock and Meat Inspectors, Barangay Biosafety Officers, Barangay Officials at Swine Producers & Practitioners Association of Nueva Ecija. Sa mensahe ni Alejo, ibinahagi niya ang limang components ng Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) at ang Information Caravan umano ang isa sa kanilang isinasagawa bilang parte ng Capability & Awareness na aktibidad. “

Recently, ang pinakabago namin na ginagawa ay ang Information Caravan sa ilalim ng Capability & Awareness na naglalayong magkaroon ng kamalayan ang mga magbababoy sa isyu ng ASF. Iyong programa na Bantay ASF sa barangay o BABay ASF ay may limang components at ito ay ang LGU Engagement, Surveillance, Biosecurity, Capability & Awareness at Recovery & Repopulation,” aniya. Ibinahagi naman ni Almasan ang tungkol sa Biosecurity. Ang hakbang umano na ito ay makatutulong upang maiwasan ang pagkaroon ng ASF sa mga alagang baboy. “Sa pag-a-apply ng Biosecurity, tandaan lamang ang segregasyon, paglilinis at pagdi-disinfect. Sa segregasyon, hindi dapat hayaang makapasok ang ibang hayop sa kulungan ng baboy para hindi makapagdala ang mga ito ng sakit. Sa paglilinis, ito ay dapat na ginagawa palagi kasabay ng pagdi-disinfect o iyong pag-a-apply ng kemikal,”

dagdag pa niya. Ayon naman kay Lumibao, ang Swine Insurance Program umano na programa ng DA-PCIC ay makatutulong sa mga magsasaka na magkaroon ng seguro. “Una, dapat ang magsasaka ay rehistrado sa RSBSA para mabigyan ng libreng seguro. Pangalawa, dapat ito ay nakapagsagot na sa application form at pangatlo, ang bayan na pagmumulan ay dapat nasa pink zone lamang dahil kung ito ay nasa red zone hindi maaaring makapagpaseguro ng alagang baboy,” wika nito.

#DACentralLuzonKatuwangSaPagAhon