Inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang Green Revolution 2.0: Plants for Bountiful Barangays Movement (Luntiang Ani ng Mamamayan) nitong ika- 26 ng Oktubre sa Barangay Wakas North, Pilar, Bataan.
Ang Green Revolution 2.0 ay naglalayong pataasin pa ang produksiyon ng gulay at prutas upang ang nutrisyon ng mga Pilipino ay maitaguyod at magkaroon ng mabuting kalusugan. Pinaliwanag ni HVCDP Report Officer Christine Joy Corpuz ang tungkol sa Green Revolution 2.0.Aniya, ito ay nagsimula noong 1976 at ipinagdiriwang hindi lamang sa Region 3 kung ‘di maging sa CAR hanggang Region 13.
“Ipinagdiriwang ang green revolution ng buong Pilipinas hindi lamang ng region 3, simultaneous event po ito from CAR to Region 13. Ang event po natin ngayon ay magkakaroon ng ceremonial granting ng mga seedlings na nakita natin sa loob ng greenhouse,” saad nito.Saksi sa aktibidad sina Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional HVCDP Focal Person Engr. AB David, Project Development Officer IV Jeffrey Rodriguez, Vice Governor Maria Christina Garcia, Provincial Agriculturist Johanna Dizon, Municipal Agriculturist Julie Ann Dizon, Municipal Mayor Carlos Pizzaro Jr., GVPA Chairperson Romeo Ruiz at mga miyembro nito.