Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Regional Evaluation para sa Gulayan sa Barangay (GSB) Program nitong ika-27 ng Oktubre sa Barangay Detailen, Maria Aurora, Aurora.
Dinaluhan ito ni Municipal Agriculturist Wilson Candelario kasama ang mga regional evaluators na sina Regional GSB Program Focal Person Glarissa Balbarez, HVCDP Report Officer Christine Joy Corpuz, Civil Society Organization Representative Ferdinand Marcos, Provincial Agriculturist Arnold Novicio, Agricultural Program Coordinating Officer ng Aurora Zenaida Castañeda, Provincial HVCDP Coordinator Nelita Abordo, Committee on Agriculture Pepito Pascua at Barangay Captain Gemma Alay-ay.
Sa mensahe ni Pascua, malaki ang kanilang pasasalamat na sila ang naging kinatawan ng probinsiya para sa rehiyon. Nangako rin ito na handa silang tumulong sa kung anuman ang pangangailangan ng barangay upang mas lalo pang bumuti ang kanilang proyekto.
“Ang Pamahalaang Lokal ng Maria Aurora ay lubos na nagpapasalamat lalo na sa ating mga kabarangay dahil tayo ang magiging kinatawan ng probinsiya sa rehiyon at nawa’y ang mga bisita ay masiyahan sa kanilang makikita sa ating proyekto,” saad nito.
Ayon naman kay Corpuz, kumpleto ang konsepto ng Pagtatanim ng Gulay – May Ani, Hanapbuhay, Oportunidad at Nutrisyon (PAG-AHON) ang bawat replicated household na kanilang binisita.“Proven naman po na may ani tayo, may hanapbuhay kasi ‘yung mga na-interview namin na mga nag-replicate at nakapagbenta po sila mula roon.
Iyon po ang pinagkukuhanan nila ng baon ng kanilang mga anak at nakakapagbigay rin ng hanapbuhay at oportunidad and of course may nutrisyun, nakita ko na may community pantry silang ginawa,” dagdag niya.