Pinangunahan ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang proyektong Kadiwa ng Pasko nitong ika-17 ng Nobyembre sa Macabebe, Pampanga. Layunin ng nasabing proyekto na maglunsad ng mga murang bilihin para sa mga Pilipino at makapaghatid ng mga de kalidad na mga produkto.
Ang mga produktong itinampok ay ang mga prutas, gulay, isda at bigas. Pinangunahan ito nina Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Fernando Lorenzo, Senior Agriculturist Menchie Nogoy, 4th District Board Member Nelson Calara, Municipal Agriculturist Jenny Trinidad at Committee on Agriculture Hon. Mavic Pama. Sa mensahe ni AMAD Chief Lorenzo, pinahayag niya ang naging mithiin ng Kagawaran sa pagsasagawa ng Kadiwa.
“Sa KADIWANG ito ay makabibili tayo nang mas murang bilihin, mas safe na pagkain at mas affordable.” Dagdag niya.Kaniyang ring ibinahagi na sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay inumpisahan na rin ang Kadiwa ng Pasko sa Maynila. Samantala, patuloy ang kagawaran sa pagtiyak na mayroong abot-kayang presyo at sapat na pagkain para sa lahat ng Pilipino sa bansa.
“Kagabi inilunsad na ni Presidente Marcos ang Kadiwa ng Pasko sa Maynila and he is really determined to lower down the prices of basic commodities. With that said, ang kagawaran ng pagsasaka ay handang tumulong sa Macabebe upang makamtan natin ang pagkaing sapat para sa lahat,” saad niya.