Naglunsad ng Kadiwa ni Ani at Kita on Wheels ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan Pampanga sa Bren Z. Guiao Convention Center, City of San Fernando, Pampanga noong ika-17 ng Nobyembre.Pinangunahan ito ni Acting Governor Lilia Pineda kasama ang ilang lokal na opisyales ng lalawigan ng Pampanga, Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), Officer In Charge ng Provincial Agriculturist of Pampanga Jimmy Manliclic at Provincial Agribusiness Coordinator Lilibeth Manliclic.Ang Kadiwa ay isang sistema ng pamilihan na naglalayong maibenta ang mga pangunahing produktong pang-agrikultura sa mababang presyo upang matulungan ang mga konsyumer.
Dinaluhan din ito ni Senator Imee Marcos bilang panauhing tagapagsalita, kung saan kaniyang inihayag ang pagsuporta sa programa ng kagawaran.“Ibabalik natin ang Kadiwa stores, kung kaya’t hinihiling kong palaganapin at damihan pa natin ang mga ito,” mensahe nito.Nilahukan ito ng mga iba’t ibang Farmers Cooperative and Associations mula Pampanga tulad ng Sta. Ana Agricultural Multi-Purpose Cooperative, San Jose Tabon Farmers Association, Mandasig Farmers Association Inc. at Kaka Farmers Association Inc..
Upang maipakilala ang kanilang iba’t ibang mga produkto, lumahok din sa programa ang mga Young Farmers Challenge Awardees ng lalawigan na 4L Organically Grown Poultry Farm, Super EC, Scoop and Smile Flavored Malunggay Ice Cream, Sakahon at R&J Eggcellent Duck Farm.Ayon kay Manliclic, ang Kadiwa ay isang mahalagang programa ng kagawaran na nakatutulong sa mga magsasaka, mga konsyumer at mga kabataang pinasok ang sektor ng agrikultura.“Sa programang ito ng kagawaran, naibebenta ng direkta ng ating mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga konsyumer at naipakikilala na rin ng mga ito ang kanilang mga bagong produkto. Pagdating naman sa parte ng ating mga konsyumer nabibili nila ang mga produktong ito sa mababang presyo,” saad nito.
Upang maipakilala naman ang kanilang business enterprise, nakilahok din dito ang isa sa katatanghal lamang na Regional Awardee ng Young Farmers Challenge FY 2022 na R&E African Catfish Hatchery.Samantala, maliban sa Kadiwa ay nagkaroon din ng pormal na paglulunsad ng Nutribun Feeding Program ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa tulong Department of Science and Technology Food and Nutrition Research Institute bilang tugon sa problema sa pagkain at kalusugan ng mga bata.Sa huling parte ng programa, nagkaroon naman ng pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ang Department of Social Welfare and Development.