Labis ang tuwa at pasasalamat ng Usbong Katutubo Indigenous People Agricultural Cooperative ng Barangay Camias, Porac, Pampanga sa natanggap na 20 kalabaw nitong ika-8 ng Marso.
Pumapailalim ang tulong sa proyektong Kabuhayan at Kaunlaran para sa Kababayang Katutubo o 4Ks na nilalayong mabigyan ng kahalagahan ang mga kababayang katutubo sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitan o tulong para sa kanilang pagsasaka o pangingisda.
Ang proyekto ay pinapangunahan ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon katuwang ang lokal na pamahalaan at National Commission on Indigenous Peoples.
Saksi sa pamamahagi ang Supervising Administrative ng DA RFO 3 na si Arleen Torres at ilang empleyado ng ahensiya na nagsiyasat at tiniyak ang bilang at kalidad ng mga kalabaw na ipinamigay.
Matatandaang nitong nakaraang taon ng Disyembre ay nagsagawa ng turnover ceremony ng mga agricultural interventions na dinaluhan nina Undersecretary for DA Attached Agencies Rodolfo Vicerra at 4Ks Program Director Ervanie Jay Belarmino.