Matagumpay na isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ang 2025 1st  Semester Assessment ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) nitong ika-15 ng Hulyo, sa DA RFO 3 Conference Room, City of San Fernando, Pampanga. Ito ay pinangunahan ng mga kawani ng HVCDP at NUPAP sa pamumuno ni Regional HVCDP and NUPAP Focal Person Engr. AB P. David.

Ito ay dinaluhan ng mga HVCDP coordinator, report officer, at agricultural program coordinating officers ng bawat lalawigan ng Gitnang Luzon.

Nagpaunlak naman si DA RFO 3 Regional Executive Director, Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. ng kanyang mensahe ng pasasalamat sa mga katuwang ng kagawaran sa bawat lalawigan para sa kanilang pagsisikap at pakikipagtulungan. Pinuri rin niya ang malaking kontribusyon ng HVCDP at NUPAP para sa sektor ng agrikultura.

Sa pagtitipong ito, nagkaroon ng presentasyon at pag-uulat ang mga provincial coordinator at report officer ukol sa kalagayan o status sa pamamahagi ng mga proyekto o interbensyon sa ilalim ng HVCDP at NUPAP sa kani-kanilang lalawigan. Ibinida rin nila ang mga kwento ng tagumpay ng kanilang mga natulungang samahan.

Nagkaroon naman sila ng talakayan, kung saan sila ay nagbahagi ng kuro-kuro, suhestiyon, at ideya hinggil sa mga natukoy na hamon upang mapabuti pa ang implementasyon ng mga proyekto at programa.

Ibinahagi naman ng mga kawani ng HVCDP ang mga ulat patungkol sa Distribution Status of Machineries, Infrastructures and Small-Scale Irrigation Projects; Status of the Submission of Issuance Slip and Signed Masterlists; Status and Implementing Guidelines of the Gulayan sa Bayan Project; at Weekly Planting and Harvesting Report.

Sa pagtatapos ng aktibidad, nagbahagi naman ng pananalita si RAFC Chairperson, Onesimo Romano. Aniya, mahalaga ang mga pagtitipong katulad nito para sa mas mahusay na implementasyon ng ibat-ibang proyekto at aktibidades ng programa.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong