Isinagawa ang Graduation Day at Field Day ng Climate-Resilient Farm Business School (CRFBS) – Farmer’s Field School noong ika-10 ng Oktubre sa Angel’s Farm sa Barangay Rabanes, San Marcelino, Zambales.

Ito ay programa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng Rice Banner Program.

Nagsipagtapos ang nasa 25 magsasaka mula sa Zambales na sinanay sa loob ng 18 na linggo upang mahasa ang kanilang kakayahan at kaalaman sa paghahanda sa pabago-bagong klima.

Ang seremonya ng pagtatapos ay dinaluhan ng mga representante mula sa barangay, lokal na lider, at iba’t ibang sektor ng komunidad.

Isa si Weny Macanas sa mga nagtapos na magsasaka. Kaniyang ibinahagi ang naging impresyon at karanasan tungkol sa programa.

“Napakalaking tulong sa amin ang pag-aaral sa CRFBS. Natutunan namin ang tamang paraan ng pagsasaka na hindi lamang makakatulong sa aming kita , at higit sa lahat, sa kalikasan. Handa na kaming harapin ang mga pagsubok sa pagtatanim,” ani Macanas.

Bilang bahagi ng programa, binigyan din ng pagkakataon ang kinatawan ng Bio Prime na si Christian Mercado na makapagprisinta. Kaniyang tinalakay ang tungkol sa protocol ng pag-aktiba, kaalaman at kalamangan ng paggamit ng bioprime.

Nagbigay rin ng kaniyang mensahe ang Regional Technology Demonstration Coordinator na si Amelita Londonio.

“Ang tagumpay ng mga magsasakang ito ay tagumpay para sa ating lahat. Ang pag-aaral ng CRFBS ay nagbibigay daan para sa mas maunlad at makabuluhan na pagsasaka. Patuloy nating susuportahan ang mga magsasakang handang baguhin ang kanilang mga pamamaraan para sa ikauunlad ng ating kalikasan,” saad ni Londonio.

Sa pagtatapos na ito ng CRFBS – Farmer’s Field School, ipinakita ng mga magsasaka na hindi lamang sila handa para sa kanilang mga sariling kinabukasan, bagkus pati na rin sa pag-aalaga ng kalikasan.

Ang kanilang mga natutunan ay magiging pundasyon ng isang mas matagumpay at sustainable na pagsasaka sa Zambales.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon