Sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon ay isinagawa ang groundbreaking ceremony ng isang yunit ng Onion Cold Storage na may kapasidad na 20,000 bags nitong ika-16 ng Abril na ipagkakaloob sa Dupinga Sierra Madre Irrigators Association mula sa Barangay Tagumpay, Gabaldon, Nueva Acija.

Ang pasilidad ay pinondohan ng HVCDP na may kabuuang halaga na P41,500,00.00 na may kasamang 100 pirasong paleta at 1000 pirasong plastic crates sa halagang P1,299,780.00. Ito ay may kakayahang mag-imbak ng 540-600MT ng sibuyas o may katumbas na 36-40 ektarya ng produksyon ng sibuyas.

Ang itatayong cold storage ay makakatulong upang mapaangat ang kita ng mga magsisibuyas sa lugar, mapababa ang postharvest losses, at mapanatili ang suplay ng sibuyas sa mga lokal na merkado.

Kabilang sa dumalo sina Regional HVCPD Focal Person Engr. AB P. David; Acting Provincial Agriculturist (PA) ng Nueva Ecija Engr. Jovita Agliam, Ph.D.; Nueva Ecija 1st and 2nd District Agriculture Program Coordinating Officer June Lacasandile; Gabaldon Municipal Mayor Atty. Jobby P. Emata; Municipal Agriculturist Florenda D. Sumawang; Chairperson Victorino Costales; at mga magsasakang miyembro ng asosasyon.

Ayon sa Philippines Statistics Authority, ang lalawigan ng Nueva Ecija ay nananatiling top onion producer sa buong bansa na may tinatayang 54.67% na kontribusyon o 138,028 MT total volume ng produksyon sa taong 2023.

Sa mensahe naman ni PA Engr. Agliam nabanggit nito na ang lalawigan din ang may pinakamaraming napagkalooban ng mga cold storages na binubuo ng 22 units.

Ayon naman kay Engr. David ang asosasyon ang isa sa mapalad na nakatanggap ng pinakamalaking halaga na pasilidad at hikayat nito na maging mabuting tagapamahala ng mga programang natatanggap mula sa pamahalaan.

Malaking pasasalamat naman sa Kagawaran ni Chairperson Costales dahil hindi na sila mapipilitang magbenta ng ani tuwing sobrang baba ang presyo na nagdudulot sa kanila ng pagkalugi. Sa tulong ng pasilidad ay makakapag-imbak na sila at makakasabay sa merkado.

Samantala, inaasahang matatapos ang pagtatayo ng pasilidad pagkalipas ng anim na buwan at magagamit na sa susunod na anihan ng sibuyas.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon