Sa patuloy na pagsusulong ng kaunlaran para sa mga katutubong pamayanan, isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Para sa Gitnang Luzon ang Midyear Assessment Report at Central Luzon IP Cultural Showcase noong Hunyo 19–20, 2025 sa Vista Venice Highland Resort sa bayan ng Morong, Bataan.
Ang aktibidad ay bahagi ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program ng ahensya, na nakaangkla sa layunin ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (RA 8371) o IPRA Law. Sa ilalim ng programang ito, layunin ng DA na isulong ang pag-angat ng kabuhayan ng mga Indigenous Peoples (IPs) at Indigenous Cultural Communities (ICCs) sa pamamagitan ng mga produktibong gawain, suporta sa agrikultura, at pagpapalakas ng kanilang kakayahang paunlarin ang sariling lupain.
Naging mahalagang pagkakataon ang Midyear Assessment upang balikan ang mga tagumpay, hamon, at direksyong tinatahak ng 4K Program sa Gitnang Luzon. Katuwang nito ang isinagawang IP Cultural Showcase, kung saan tampok ang mga produktong likha at tradisyong pangkultura ng iba’t ibang IP communities sa rehiyon.
“Kaya sa mga participants, we encourage you na ibahagi ang inyong mga karanasan sa programa ng DA, ang 4K. Siguro ito na ang oras para sabihin mo ang kailangan mong sabihin. ’Wag kayong mag-atubiling mag-share ng ideas ninyo upang makatulong kayo sa kapwa IPs ninyo,” pahayag ni Gng. Romelyn Manares, Regional National Commission on Indigenous People (NCIP) 4K Focal.
Matapos ang mga presentasyon, isinagawa ang isang open forum kung saan malayang nakapagtanong at nakapagbahagi ng kanilang mga saloobin, suhestiyon, at karanasan ang mga kalahok. Nagbukas ito ng mas malalim na ugnayan sa pagitan ng mga benepisyaryo at mga tagapagpatupad ng programa, na siyang lalong nagpatibay sa layunin ng pagkakaisa para sa pagpapaunlad ng kabuhayan at kultura ng mga katutubo.
Naging makabuluhan ang pagtitipong ito, hindi lamang bilang pagsusuri sa implementasyon ng programa, kundi bilang pagkilala at pagdiriwang sa mayamang kultura, pagkakakilanlan, at ambag ng mga katutubo sa larangan ng agrikultura.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong
