Inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) Gitnang Luzon sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ang 5th Agribusiness Support for Promotion and Investment in Regional Exposition o ASPIRE na may temang “Emphasizing the Importance of Supporting Local Agribusiness from Production to Market, highlighting significant Opportunities for Investment and Growth”, nitong ika-24 hanggang ika-26 ng Hunyo sa Activity Center, Marquee Mall, Angeles City, Pampanga.

Ang ASPIRE ay isang programa na isinasakatuparan ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).

Isinusulong nito ang pagpapalago ng agrikultura sa pamamagitan ng promosyon, marketing support, at investment facilitation, na nakatutok sa regional development at pagkakakitaan ng mga lokal na magsasaka.

Tinatayang nasa mahigit 600 produktong lokal mula sa 60 agri-enterprises na binubuo ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon ang mabibili dito. May bilang naman na 200 magsasaka ang natuto sa investment forum at naiugnay sa mga institutional buyers ng rehiyon.

Ngayong taon, ang niyog, kamatis at kalabasa ang tatlong priority commodities ng ASPIRE. Ang mga ito ay napili upang matugunan ang naging pagsubok sa sobrang produksyon noong nakaraang taon.

Ilan sa mga institutional buyers na bibili ng mga produkto ay ang Dizon Farms, Weambarn International Technology Inc., at ang FNC Nathaniel’s Food Corporation. Nagbahagi din ng mga programa at proyektong tumutulong sa magsasaka ang mga banner programs ng DA, DTI, DOST, PRDP, ACPC at iba pang kasosyong ahensiya ng Kagawaran.

Ayon sa magsasakang si Junel Seniedo II na Chairperson ng Laur Farmers Agriculture Cooperative ay malaking tulong ang naidulot ng ASPIRE sa kanila.

“Kami po ay naapektuhan din po ng sobra sa produksyon na kamatis noon at maganda po ang layunin ng ASPIRE dahil nalaman po natin yung mga produkto na pwedeng gawin mula sa kamatis at hindi napo kami mahihirapan dahil nabigyan din kami ng pagkakataon na makilala ang mga institutional buyers na willing bilhin ang aming mga ani”, saad niya.

Nagbigay din ng suporta sa ASPIRE program sina DA ASEC for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve E. Velicaria-Guevarra, DA Regional Technical Director for Special Concerns Engr. Juanito C. Dela Cruz, Director for Agribusiness and Marketing Assistance Service Junibert E. De Sagun, Chief ng Trade and Industry Development Specialist Section Warren Patrick T. Serrano, RAFC Chairperson Onesimo O. Romano, at Supervising Agriculturist ng AMAD Dr. Maricel L. Dullas.

Sa pagtatapos nito, nagbahagi din ang Food and Drug Authority (FDA) ng imporamasyon tungkol sa kanilang pagbibigay ng rehistro at lisensya para sa mga produkto ng mga agri-enterprises.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangluzonKatuwangsaPagsulong