Patuloy na umaabot ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka sa lalawigan ng Pampanga matapos mabigyan ng tulong pinansyal ang 695 benepisyaryo sa San Simon sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) nitong ika-30 ng Hulyo sa Brgy. San Jose Covered Court, San Simon, Pampanga sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III).
Ang mga benepisyaryong magsasaka ay nakatanggap ng halagang ₱2,325 bawat isa bilang unconditional cash assistance na layong makatulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa produksyon at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.
Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay si Edgardo Galang ng Brgy. San Nicolas na nagpahayag ng pasasalamat sa natanggap na tulong pinansyal.
“Malaking tulong po ito sa amin. Ipambibili ko ng diesel ang natanggap kong ayuda para sa mga makinaryang ginagamit namin sa pagsasaka. Maraming salamat sa DA at sa mga taong nagtaguyod ng programang ito para makarating ang tulong sa aming mga magsasaka,” ani Galang.
Ang PAFFP ay isang programa ng pambansang pamahalaan na naglaan ng ₱10 bilyong pondo para sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda na naaapektuhan ng tumataas na gastusin sa produksyon at iba pang hamon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Layunin nitong magbigay ng direktang tulong pinansyal upang masuportahan ang kanilang kabuhayan at mapanatili ang produktibong pagsasaka at pangingisda.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa ang mga rehistradong magsasaka at mangingisda sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Ang mga magsasakang nagtatanim ng palay ay dapat may sinasakang hindi hihigit sa dalawang ektarya. Kabilang din sa mga kwalipikado ang mga magsasaka ng mais at tubo na rehistrado sa RSBSA, gayundin ang mga mangingisdang rehistrado sa RSBSA-BoatR.
Naging maayos at matagumpay ang isinagawang pamamahagi ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga kawani ng DA-RFO III at ng lokal na pamahalaan ng San Simon, Pampanga upang matiyak na maayos na naihatid ang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng PAFFP sa iba pang mga bayan ng ikaapat na distrito ng Pampanga sa mga susunod na araw bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng programa sa lalawigan.









#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong

