Tumanggap ng feeds assistance ang 676 na mag-iitik mula sa mga bayan ng Candaba, San Luis, at Apalit sa isinagawang Awarding of Feeds Assistance to Duck Raisers in the 4th District of Pampanga na ginanap sa Bahay Pare Covered Court, Candaba, Pampanga noong ika-11 ng Hunyo.

Sa ilalim ng proyektong nagkakahalaga ng ₱8 milyon na pinondohan sa pamamagitan ng Livestock Program ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA), kabuuang 4,000 sako ng duck feeds ang ipinamahagi upang makatulong sa pagpapanatili at pagpapalakas ng produksyon ng mga mag-iitik sa lalawigan.

Sa kabuuang bilang ng mga ipinamahaging feeds, 3,145 sako ang inilaan para sa 557 benepisyaryo mula sa Candaba, 718 sako para sa 94 na benepisyaryo mula sa San Luis, at 137 sako para sa 25 benepisyaryo mula sa Apalit.

Batay sa itinakdang pamantayan ng programa, ang dami ng feeds na natanggap ng bawat benepisyaryo ay nakabatay sa bilang ng kanilang alagang itik. Ang mga may 100 hanggang 1,500 na itik ay tumanggap ng limang sako ng feeds, anim na sako naman para sa mga may 1,501 hanggang 3,000, habang walong sako ang ipinagkaloob sa mga may higit sa 3,000 na itik.

Pinangunahan ang aktibidad nina DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Michael De Joya Garcia, Pampanga 4th District Representative Congw. Dra. Anna York P. Bondoc, at DA-RFO III Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. Nakiisa rin sina Regional Livestock Program Coordinator Gil David at Pampanga Agricultural Program Coordinating Officer Sheila Hipolito, kasama ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ng Candaba at iba pang katuwang sa pagpapatupad ng programa.

Naging katuwang din ang lokal na pamahalaan ng Candaba sa koordinasyon at pamamahagi ng feeds assistance sa mga benepisyaryo.

Layunin ng programa na makatulong sa mga mag-iitik sa pagharap sa tumataas na gastusin sa produksyon at mapanatili ang kanilang operasyon. Inaasahan ding makatutulong ang nasabing interbensyon sa pagpapatuloy ng suplay ng mga produktong mula sa itik at sa pagpapaunlad ng industriya ng pag-aalaga ng itik sa lalawigan.

Kabilang ang mga bayan ng Candaba, San Luis, at Apalit sa mga lugar sa Pampanga na may aktibong industriya ng pag-aalaga ng itik.

 

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong