Ipinagdiwang ang ika-9 na Palayan City Farmers’ Congress noong ika-9 ng Nobyembre sa Farmer’s Plaza, Palayan City, Nueva Ecija.
Ang tema ng kaganapang ito ay “Sa Patuloy na Pagyakap sa Makabagong Sistema ng Pagsasaka, Kamagsasaka, Kaya Nating Labanan ang Hamong Dulot ng Pandemya at Pabago-bagong Klima: Mekanisasyon, Dibersipikasyon, at Negosyong Pansakahan, Ating Ipagpatuloy. Now na!”
Naging bahagi ng kongreso ang mga miyembro ng mga Farmers’ Cooperative and Associations, Rural Improvement Club, mga lokal na opisyal ng gobyerno, at iba pang mga stakeholder.
Binuksan ang programa sa isang panalangin at pagpapala ng mga kagamitang pangsaka, na pinangunahan ni Rev. Fr. Nezelle Lirio mula sa Parish ng Sta. Cecilia.
Sinundan ito ng pagbibigay ng mensahe ng mga lider ng lungsod ukol sa kahalagahan ng pagpapatuloy ng modernisasyon sa sektor ng agrikultura.
Pinangunahan ni City Mayor Viandrei Nicole Cuevas ang pagbibigay ng mensahe kung saan kaniyang ipinahayag ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga magsasaka ng lungsod.
Tampok sa kaganapan si Dr. Arthur Dayrit, ang Regional Technical Director para sa Research, Regulatory, at ILD ng Department of Agriculture Regional Field Office 3, na nagbigay ng pangunahing talumpati bilang kinatawan ni Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
“Nais naming ipadama sa inyo na magkatuwang at magkasama tayo sa ikasusulong ng sektor ng agrikultura, kami ay inyong katuwang at kaagapay sa pagsisiyasa’t ng mga bago, moderno at climate resilient technology para sa isang masaganang agrikultura at maunlad na ekonomiya,” pahayag ni RTD Dayrit.
Isinagawa rin ang talakayan hinggil sa Masagana Rice Industry Development Program, kung saan ipinaliwanag ni Dr. Andrew Villacorta, ang Head-Directorate ng DA National Rice Program, ang mga hakbang na kanilang isinasagawa upang palakihin ang produksyon ng palay at mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka.
Nagbahagi rin si Agriculturist II Lili Dela Cruz tungkol sa papel ng Agricultural Training Institute sa pagpapaunlad ng mga magsasaka.
Binigyang-diin niya kung paano ang edukasyon at pagsasanay ay mahalaga sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Dagdag ding napag-usapan ang tungkol sa Mechanized Farming System ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization Region 3 Focal Person Merlinda Ramento; The Role of Academe in the Agricultural Development of Local Government Units; Sharing on the proper waste disposal for Piggery and Poultry; The National Soil Health Program for a Sustainable Food Production; at Agro and Enterprise Clustering Approach for Farmers.
Ang 9th Palayan City Farmers’ Congress ay nagsilbi bilang isang mahalagang okasyon para sa mga magsasaka at iba’t ibang sektor ng agrikultura upang magkaisa, magbahagi ng kaalaman, at magtulungan.