Bilang pagkilala sa mga magsasaka na nagsusulong ng ligtas, de-kalidad, at napapanatiling produksyon ng pagkain, ginanap nitong ika-4 ng Agosto 2026, ang 9th Annual Regional Awarding and Recognition of PhilGAP Certified Farms in Central Luzon sa Heroes Hall, City of San Fernando, Pampanga.

Pinangunahan ng Department of Agriculture – Regional Field Office III (DA RFO III) ang programa na dinaluhan ng mga opisyal ng DA, mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya, gayundin ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan ng Gitnang Luzon.
Tampok sa okasyon ang pagkilala sa mga sakahang matagumpay na nakamit at napanatili ang Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) Certification—isang mahalagang pamantayan na nagpapatunay sa kanilang pagsunod sa responsableng pamamahala ng sakahan, tamang paggamit ng agricultural inputs, pangangalaga sa kapaligiran, at ligtas na produksyon ng mga produktong agrikultural.

Sa gitna ng patuloy na mga hamon sa seguridad sa pagkain at pagbabago ng klima, binigyang-diin sa programa ang mahalagang papel ng PhilGAP sa pagpapalakas ng isang makabago, ligtas, at napapanatiling sektor ng agrikultura. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga pamantayang ito, higit na natitiyak ang kaligtasan at kalidad ng pagkain habang napangangalagaan ang kalusugan ng mga mamimili, kapakanan ng mga manggagawang pang-agrikultura, at ang ating likas na yaman.

Ang bawat PhilGAP-certified farm na pinarangalan ay sumasalamin sa sipag, disiplina, at dedikasyon ng ating mga magsasaka sa paghahatid ng ligtas at mataas na kalidad na pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Ang kanilang tagumpay ay patunay na ang kahusayan sa pagsasaka ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ani, kundi maging sa pananagutan sa kalikasan, kaligtasan ng pagkain, at kapakanan ng komunidad.

Patuloy na isinusulong ng DA RFO III ang pagpapalawak ng PhilGAP certification sa rehiyon upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka, mapataas ang kumpiyansa ng mga mamimili sa lokal na produkto, at maisulong ang isang mas matatag, produktibo, at napapanatiling sektor ng agrikultura para sa Bagong Pilipinas.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong

