Pinasinayaan ang Kauna-unahang Adlai Production sa Rehiyon Tatlo sa Lalawigan ng Nueva Ecija.
Pinalalakas ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 ang kakayahan ng mga Indigenous Peoples katuwang ang ahensya ng Local Government Unit ng Nueva Ecija sa produksyon ng adlai sa pamamagitan ng limang araw na pagsasanay tungkol sa Adlai Production Management Training and Orientation: Capability Building.
Ito ay isinagawa mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 3, 2026 sa Casa Jedliana Hotel and Resort, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Bilang panimula ng programa, nagbigay ng mensahe ng suporta si Dr. Lowell D. Rebillaco, Acting Chief ng Field Operations Division, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan ng mga katuwang sa pagsusulong ng adlai bilang alternatibong pananim na makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka at mga pamayanang katutubo.
Sa ikalawang araw, pinangunahan ni Samuel D. Barut, Jr., Science Research Technician, ang mga sesyon ukol sa land preparation at production cost, adlai crop management, pest and nutrient management, harvesting, post-harvest handling, at return on investment.
Layunin ng mga talakayang ito na mabigyan ang mga kalahok ng komprehensibong kaalaman sa tamang teknolohiya at mahusay na pamamahala sa produksyon ng adlai.
Isinagawa naman sa ikatlong araw ang hands-on knowledge application sa pamamagitan ng land preparation at seeding demonstrations, gayundin ang open forum sa adlai management upang higit na mahasa ang kakayahan ng mga kalahok sa aktuwal na aplikasyon ng mga natutunang teknolohiya.
Nagpatuloy ang pagsasanay sa ikaapat na araw sa pamamagitan ng site visitation at area application, kabilang ang area validation, soil sample collection, at area replication.
Binigyang-diin naman sa huling araw ang reflection, synthesis, at ways forward sa pamamagitan ng adlai production coaching, knowledge sharing, at pagbuo ng mga kasunduan at susunod na hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad at pagpapalawak ng produksyon ng adlai sa mga target na komunidad.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Dr. Arthur D. Dayrit, Regional Technical Director for Operations and Extension at AMAD; Dr. Lowell S. Rebillaco, Chief ng Field Operations Division; Melody M. Valdez, Regional Focal Person ng 4K Program; Analou Morelos, APCO ng Nueva Ecija; Engr. Jovita B. Agliam, Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija; Mr. Sohrab P. Recon, Provincial NCIP Nueva Ecija; Ms. Jackielou R. Gallarde, Municipal Agriculturist ng Bongabon; Ms. Segunda S. Sanding, OIC-City Agriculturist ng Palayan City; Ms. Karen Salera, Municipal Agriculturist ng Pantabangan; at Mr. Gerome B. Santiago, Adlai Production Leader, kasama ang mga 4K Staff at Adlai Municipal Coordinators.
Kasama sa proyekto ang anim na City/Munisipyo sa Lalawigan ng Nueva Ecija na kinabibilangan ng: Palayan City, Bongabon, Pantabangan, Carranglan, General Tinio at Gabaldon. Ito ay patunay na sa pamamagitan ng Programang 4K , napapalawak ang kaalaman sa makabagong teknolohiya sa produksyon ng adlai bilang suporta sa seguridad sa pagkain, pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka, at pagpapaunlad ng mga pamayanang katutubo sa Gitnang Luzon.
#BagongPilipinas
#DA4KProgram
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong

