Idinaos ang Sibuyas Festival ngayong taon sa Bongabon, Nueva Ecija na isang taunang tradisyon upang ipagdiwang ang kahalagahan ng pagsasaka habang pinapaigting ang pagkakaisa at pagkakaibigan sa komunidad. Ito ay nagsimula noong ika-1 ng Abril at magtatapos sa ika-10 ng Abril.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ng selebrasyon ay ang Araw ng Magsasaka na naganap noong ika-3 ng Abril sa Bongabon Agricultural Trading Center sa Barangay Curva bilang pagbibigay pugay at pagpapahalaga sa mga magsasaka.
Itinampok ang iba’t ibang aktibidad sa pagdiriwang katulad ng raffle draws at mga booth para sa mga inimbitang kumpanyang pang-agrikultura na nagpakita ng kanilang mga produkto na maaring magamit ng mga magsasaka para mas maging masagana ang kanilang mga ani.
Nagbigay din ng parangal para sa best yielders at livestock farmers bilang pagkilala sa natatanging dedikasyon nila sa larangan ng agrikultura.
Kabilang rin sa selebrasyon ang seminar para sa “Digital Farmers Program: Digital future among Central Luzon Farmers”. Layunin nito na bigyang kakayahan ang mga magsasaka na i-market ang kanilang mga produkto online, na nagbibigay ng pangmatagalang kaunlaran sa pagsasaka sa rehiyon.
Nagimbita ng mga panauhin ang mga tagapangasiwa ng selebrasyon at kabilang na rito ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon OIC-Regional Executive Director na si Dr. Eduardo L. Lapuz Jr. Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa sa mga asosasyon ng mga magsasaka. Sinabi niya na bukas ang pamahalaan para sa mga magsasaka at sana ay magkaisa ang mga asosasyon at bumuo ng isang matatag na organisasyon.
Nagbigay din ng mensahe si DA Special Assistant to the Secretary for Logistics Daniel Alfonso N. Atayde. Pinuri niya ang kasipagan ng mga magsasaka. Ayon sa kaniya, “Kapag maunlad ang magsasaka, sapat ang pagkain ng isang bayan, mababa ang presyo ng bilihin, at masigla ang iba pang industriya”.
Hindi man nakadalo sa selebrasyon, nagpadala naman si DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ng isang video message kung saan kinilala niya ang kahanga-hangang ani ng sibuyas sa Bongabon at dedikasyon ng mga magsasaka roon.
Samantala, kasama rin sa mga dumalo sa okasyon sina Congresswoman Camille Villar, Former Congresswoman Czarina Domingo Umali, Mayor Ricardo I. Padilla, Vice Mayor Christian P. Binuya, Sibuyas Festival 2024 Presidents Armando Gamboa and Elvira Ronquillo at iba pang mga lokal na opisyal ng Bongabon.