Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa African Swine Fever (ASF), matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI), katuwang ang DA Regional Field Office 3, Provincial Veterinary Office at mga Lokal na Pamahalaan, ang ASF Information Caravan noong Setyembre 25, 2025 sa Balanga, Bataan.

Dumalo ang humigit-kumulang 65 na kalahok na kinabibilangan ng mga komersyal at backyard hog raisers, biyaheros, meat vendors, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan, kasama rin ang mga opisyal mula sa Local Government Units.

Ang naturang caravan ay ikalawang batch na isinagawa sa Bataan, matapos ang unang batch na ginanap noong Setyembre 24, 2025.

Sa aktibidad, ipinaliwanag ang mahahalagang paksa tulad ng National ASF Prevention and Control Program na siyang nagsisilbing gabay ng bansa sa pagpigil at pagkontrol ng ASF.

Kasama ring tinalakay ang mga pinakahuling ASF updates sa pambansa, panrehiyon at panlalawigan, na nagbigay linaw sa kasalukuyang sitwasyon ng ASF at mga hakbang na ipinatutupad upang mapangalagaan ang industriya ng baboy.

Kasama rin sa mga diskusyon ang mga madalas itanong ukol sa ASF, mga polisiya hinggil sa movement at zoning, food safety, at ang kahalagahan ng pagpaparehistro para sa animal insurance bilang dagdag proteksiyon para sa mga nag-aalaga ng baboy.

Pangunahing layunin ng ASF Information Caravan na maipaabot ang tamang kaalaman sa mga sektor na direktang apektado ng ASF.

Sa pamamagitan nito, mas nagiging handa ang mga hog raisers at meat vendors sa pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Pinapalakas din nito ang ugnayan ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na komunidad upang maging mas episyente ang pagpapatupad ng mga polisiya at programang pang-agrikultura.

Ang ASF Information Caravan sa Bataan ay patunay na sa ilalim ng temang “May Magagawa Ako!” bawat isa ay may papel na ginagampanan upang masugpo ang ASF at patuloy na maisulong ang maunlad, ligtas, at matatag na industriya ng pagbababoy sa bansa.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong