Ginanap ang pormal na pagsisinaya sa bagong gusali ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) nitong ika-3 ng Hulyo, sa Diosdado P. Macapagal Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga.
Pinangunahan nina Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Laboratories Division Dr. Arthur Dayrit, Regional Agriculture and Fishery Council Chairman Engr. Francisco Hernandez, Construction Division Chief ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 Engr. Florita Dela Cruz, at dating Regional Executive Director ng DA RFO 3 na si Dr. Andrew Villacorta ang blessing at ceremonial ribbon cutting ng naturang gusali, kasama ang iba pang mga pangunahing opisyal.
Matapos ang matagal na pananatili sa Provincial Capitol Compound ng Pampanga, ito na ang magiging bago at opisyal na tahanan ng DA RFO 3.
May sukat na 5,326.70 sq.m. ang kabuuang floor area ng gusali at ito ay may apat na palapag. Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng P101.1 milyon at naging posible sa pamamagitan ng DPWH.
Bilang kinatawan ni DPWH Regional Director Roseller Tolentino, ibinahagi ni Engr. Dela Cruz ang mensahe nito, kung saan kanyang ipinahiwatig na ang bagong gusali ay tanda ng pinagsamang pangako ng DPWH Region 3 at DA RFO 3 sa layuning makamit ang kahusayan at progreso. Aniya mahalagang ambag ito sa pangarap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangisdaan ng bansa.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Regional Executive Director Bautista sa DPWH Region 3 dahil sa pagsasakatuparan na makumpleto ang proyekto. Sa kanyang mensahe ay hinikayat niya ang lahat ng kawani ng kagawaran na gawing inspirasyon ang bagong gusali sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa mga kliyente nito, ang mga magsasaka.
Samantala, ang ilang tanggapan ng DA RFO 3 kabilang ang Regulatory Division, Feed Chemical Analysis Laboratory, at Regional Soils Laboratory ay mananatili pa rin sa Provincial Capitol Compound ng Pampanga.
Naging matagumpay ang mahalagang okasyong ito sa pagkakaisa ng mga pangunahing opisyal at kawani ng DA RFO 3.