Idinaos ang kauna-unahang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Gitnang Luzon sa Botolan, Zambales nitong ika-27 hanggang 28 ng Enero.
Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ay isang programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may layuning dalhin ang iba’t ibang pampublikong serbisyo nang mas malapit sa mamamayan. Sa pamamagitan nito ay inaasahang mapabibilis at mapadadali ang pagbibigay ng mga serbisyo dahil sa pagkakaroon ng kumprehensibong one-stop service centers. Sa pamamagitan ng mga serbisyo caravan, naglalakbay ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno patungo sa iba’t ibang komunidad para ihatid ang kanilang mga programa at serbisyo nang direkta sa mga tao.
Ang paglunsad ng BPSF na ito sa Zambales ay pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez bilang kinatawan ni Pangulong Marcos Jr.
Kasama ang 46 na partisipanteng national government agencies, higit sa 170 na serbisyo ang ipinamahagi sa loob ng dalawang araw na naglingkod sa tinatayang 80,000 na mga benepisyaryo. Tinanggap ng lalawigan ang kabuuang halaga na P500 milyon ng mga programa at serbisyo, kabilang ang P154 milyon na cash assistance.
Samantala, ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) naman ay buong pusong nakiisa sa nasabing programang ito ng gobyerno.
Kabilang sa partisipasyon nito ang pamamahagi at payout ng tig-P5,000 mula sa programang Rice Farmer Financial Assistance o RFFA para sa mahigit 1000 magsasaka. Namahagi rin ang DA ng fertilizer discount vouchers sa 500 kwalipikadong magsasaka.
Nagkaroon din ng distribusyon ng Farmers Assistance for Recovery and Mechanization at mga makinaryang pansaka sa ilalim naman ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF mula sa PHilMech.
Bukod pa rito, namahagi ang DA ng mga binhi ng gulay at mais, pataba, kagamitan sa pagsasaka at pagtatanim, at mga babasahing patungkol sa agrikultura para sa mga interesadong kalahok ng nasabing programa. Kasabay nito, isinagawa rin ang paglunsad ng Kadiwa ng Pangulo na kung saan nailapit sa mga mamamayan ang sariwang ani, dekalidad, at abo’t kayang mga produkto ng mga magsasaka.
Patuloy ang DA sa pagsuporta sa anumang mga inisyatiba ng pamahalaan. Ang kahandaang ito na magbigay ng suporta at makipagtulungan ay nagpapakita ng dedikasyon sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura at pagtataguyod ng pangkalahatang kaunlaran tungo sa Bagong Pilipinas.