Pinagkalooban ng Kagawaran ng Pagsasaka–Gitnang Luzon (DA-RFO III), sa pamamagitan ng Regulatory Division, ng panibagong sertipikasyon sa Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) ang mga piling magsasaka mula sa lalawigan ng Nueva Ecija noong ika-7 ng Enero.

Kabilang sa mga tumanggap ng sertipiko ang KALASAG Multipurpose Cooperative, Onion and Vegetables Producers Cooperative, at Agmuladlai Farm—isang patunay ng kanilang patuloy na pagsunod sa ligtas, dekalidad, at sustenableng pamantayan sa produksyon ng agrikultura.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Supervising Agriculturist at Regional PhilGAP Focal Person Marilyn Velarde ang mga bagong nasertipikahan na panatilihin at seryosohin ang pagsunod sa mga prinsipyo ng PhilGAP. Binigyang-diin niya na nagsasagawa ang ahensiya ng random monitoring upang masiguro ang tuloy-tuloy na implementasyon ng pamantayan sa bawat sakahan.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Arnold Dizon, Chairperson ng KALASAG MPC, sa patuloy na suporta ng Kagawaran ng Pagsasaka sa kanilang kooperatiba.

“Mahigit isang dekada na po kaming sumusunod sa pamantayan ng PhilGAP at dahil dito ay lubos ang naging paglago hindi lamang sa aming ani kundi maging sa aming kita. Naging daan din ito upang makapagsuplay kami sa Jollibee Group Foundation. Kaya isang malaking pasasalamat po sa DA at sa Regulatory Division,” ani Dizon.

Samantala, tinatayang mahigit isang daang sakahan ang target na mainspeksyon at mabigyan ng PhilGAP certification ng Regional PhilGAP Team sa buong taon bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng ligtas at dekalidad na produktong agrikultural sa rehiyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong