Benepisyo hatid ng Sibuyas
Isa sa mga suliranin ng mga magsasaka sa bansa tuwing panahon ng El Niño o matinding tag-araw ang kakulangan sa tubig na gagamitin para sa kanilang mga pananim. Maraming magsasaka ang hindi na nagtatanim tuwing sasapit ang panahong ito sa pangamba na masira ang kanilang mga tanim at malugi. Gayunpaman, mayroon rin namang mga pananim ang hindi nangangailangan ng masaganang suplay ng tubig upang lumaki hanggang sa pag-ani; isa na nga rito ay ang sibuyas.
Ang sibuyas o lasuna ay isang uri ng halamang gulay na nagmula sa pamilya ng Allium. Ito ay karaniwang kulay pula at dilaw, may maanghang na lasa at bilugan ang hugis. Ito ay kadalasang tinatanim tuwing buwan ng Oktubre hanggang Enero at inaani naman mula sa buwan ng Pebrero hanggang Abril.
Sa Pilipinas, mayroong tatlong uri ng sibuyas na kadalasang itinitinda sa mga pamilihang bayan: pula o red creole na matatagpuan sa hilagang parte ng Gitnang Luzon, dilaw o yellow granex na kadalasang itinatanim sa bayan ng San Jose, Rizal at Bongabon sa Nueva Ecija at sibuyas tagalog o tanduyong.
Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA, ang Gitnang Luzon ang rehiyon na may pinakamalaking taniman at produksyon ng sibuyas sa bansa kung saan 60-70% ng kabuuan nito ay nanggagaling sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ang shallot na kadalasang nagmumula rin sa Nueva Ecija ang siyang ini-export ng Pilipinas sa ibang bansa.
Sa panahon ng tag-init, ang pagsisibuyas ay isa sa mga paraan ng mga magsasaka upang kumita. Sa loob ng apat na buwan, maaaring umani ng 15-25 toneladang sibuyas mula sa isang ektaryang taniman na maibebenta sa halagang P30-58 kada kilo o P880,000.00 kada isang ektarya. Ang tinatayang gagastusin para sa isang ektarya ay P150,000-200,000. Ang mga datos na ito ay base sa dalawang nakaraang panahon ng pagtatanim ng sibuyas(2020-2021).
Bukod sa mataas na kita na makukuha mula sa pagtatanim ng sibuyas, maituturing rin na isa ito sa mga pinakamahalagang halamang gulay dahil sa taglay nitong lasa, sustansya at kakayahang makatulong sa paglunas ng iba’t ibang karamdaman.
Ang sibuyas ay mayaman sa iba’t ibang bitamina at mineral gaya ng Vitamin B, C at potassium na nakatutulong sa pagpapalakas ng kalusugan ng tao. Noon pa man ay ginagamit na ito upang gamutin ang mga karamdaman gaya ng pananakit ng ulo, sakit sa puso at mouth sore. Ang antioxidant compound na taglay nito ay nakatutulong rin sa pag-iwas sa peligrong dala ng diabetes at cancer. Mayroon rin itong antibacterial properties na lumalaban sa mga mapanganib na bakterya gaya ng E. coli.
Mula pa noon hanggang ngayon, isa na ang sibuyas sa mga pangunahing rekado na ginagamit sa pagluluto at karagdagang pampalasa ng iba’t-ibang mga processed products. Sa pangunguna ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research katuwang ang mga eksperto mula sa University of the Philippines Los Banos at Central Luzon State University ay mayroon ng mga produkto ang nabuo gamit ang sibuyas. Ilan sa mga ito ay ang dried onion leaves, pickled onion leaves, onion leaves extract, vacuum-fried onion leaves, charcoal briquette at onion leaves powder.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa naman ang Central Luzon Integrated Agricultural Research Center for Lowland Development ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon ng mga pag-aaral na naglalayong makapag-produce at makapagparami ng mga clean planting materials ng mga local varieties ng sibuyas sa bansa.