Opisyal nang inilunsad ngayong araw (ika-13 ng Hunyo) ang programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na! o ang P20 Program sa pagtutulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon (DA RFO 3), National Food Authority (NFA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Panlalawigang Pamahalaan (PLGU) ng Pampanga na ginanap sa Superl Philippines, Inc., Bacolor, Pampanga.
Ang programa ay naglalayong makapagbigay ng abot-kaya at aksesibol na bigas para sa mga minimum wage earners ng Gitnang Luzon.
Dumalo sa paglulunsad sina NFA Administrator Dr. Larry del Rosario Lacson; DA RFO 3 Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr.; DOLE Regional Director Geraldine M. Panlilio; Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Menchie Nogoy; General Manager & Vice President ng Superl Philippines, Inc. Alex Fung at mga kinatawan mula sa PLGU Pampanga.
Humigit kumulang na dalawang libong (2,000) mga minimum wage earners ang nakinabang sa P20 na bigas na nakabili ng 10 kilo bawat isa.
Sa mensahe ni Director Panlilio ninanais ng pamahalaan ng mapalaya ang bawat Pilipinong nakakaranas ng kahirapan. Isa lamang umano ito sa maraming programa ng pamahalaan ng ipinapatupad at isasagawa pa.
Nabanggit naman ni Director Lapuz ang mga nasa vulnerable sector lamang noon una ang makakabili sa benteng bigas tulad ng mga Senior Citizen, PWD, solo parents ngunit dahil sa pagnanasa ng Pangulo Marcos at Kalihim ng Agrikultura na mapalawak ay programa ay isinali ang mga minimum wage earners.
Sinabi naman ni Administrator Lacson kung bakit naging posible ang P20 na bigas.
“Last year, binili po natin ‘yan ng 27 pesos per kilo ng palay. Puhunan po ng National Food Authority diyan ay nasa 43 pesos. And now we’re selling it 33. Ten pesos naserved na po natin, yung 13 pesos maghahati po yung ibang LGUs and yung National Government. This is the whole of government approach. Nagtulong-tulong po ang gobyerno para makadating sa inyo yung tulong na kailangang-kailangan ninyo.”
Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo dahil tinupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) ang kanyang pangakong 20 pesos na bigas na magbibigay ng ginhawa ngayon sa kanilang minimum wage earners.
Samantala, ang P20 na bigas ay pagpapatuloy hanggang sa 2028 na huling taon ng pamumuno ni PBBM.
