Sa pamumuno ng Bureau of Plant Industry – National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS) ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA), isinagawa ang “Information Caravan on Plant Nursery Accreditation and Plant Material Certification for Plant Nursery Operators” noong ika-12 ng Abril sa Kapampangan Development Foundation, Sito Bancal, Brgy. Maliwalu, Bacolor, Pampanga.

Ito ay dinaluhan ng humigi’t kumulang na 50 plant nursery operators mula sa iba’t ibang lalawigan ng ikatlong rehiyon.

Layunin ng aktibidad ang ipakilala sa mga plant nursery operator ang kahalagahan, mga proseso, at mga kinakailangan ng mga programa ng akreditasyon at sertipikasyon upang makagawa ng de-kalidad na mga materyales sa pagtatanim.

Sa pangunguna ni G. Aurora L. De Guzman ng BPI-NSQCS kasama si NSQCS Region 3 Chief Josephine A. Reyes, hinimok nila ang aktibong partisipasyon at pakikipag-ugnayan ng mga kalahok sa mga tagapagsalita.

Sa mensahe naman ni Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., ipinabatid niya ang kanyang mainit na pagtanggap sa mga kalahok. Binigyang-diin niya na ang akreditasyon ay isang mahalagang hakbang sa pagkamit ng seguridad sa pagkain ng bansa.

Itinampok sa aktibidad ang ilang talakayan ng iba’t ibang aspeto kabilang ang kahalagahan ng akreditasyon ng mga plant nursery, mga proseso, pamamahala ng mga peste para sa cacao, sertipikasyon ng PhilGAP, quarantine ng halaman, proseso ng sertipikasyon ng mga materyales sa pagtatanim, pagtatatag at pamamahala ng nursery, at iba pa.

Ang mga talakayang ito ay nagbigay ng kaalaman at mga kasangkapan sa mga nursery operator upang mapabuti ang kanilang mga operasyon at mag-ambag sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon.

Sa mensaheng ipinaabot naman ni Assistant Director for Regulatory Services at NSQCS Chief Ruel C. Gesmundo, umaasa siya na mahihikayat ang mga plant nursery operator na makibahagi sa mga programa at makipagtulungan sa DA upang mapalakas ang produksyong pang-agrikultural.

Hinikayat naman ni BPI Director Gerald Glenn F. Panganiban ang mga ito na tumulong sa pagsasara ng agwat sa pagitan ng demand sa pagkain at produktibidad sa pagsasaka na isang banta sa sektor ng pagkain.

Samantala, naging malaking tulong sa tagumpay ng aktibidad ang pakikipagtulungan ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa BPI.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon