Sa unang araw ng Buwan ng mga Kababaihan ay nagsagawa ng Agri-Trade Fair ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa MarQuee Mall, Angeles City, Pampanga.

Sari-saring produktong gawa ng mga kababaihan ang tampok sa naturang trade fair na tatakbo mula ika-1 hanggang ika-3 ng Marso.

Higit sa 20 na agripreneurs ang lumahok kabilang ang: Akkaw Zuman Delight, Brianna Food Creations, Ecura’s Delicacies, Tatay German’s Food Products, Wanger’s Food Products, Hagonoy Fish Farmers Producers Cooperative, Green and Basic Integrated Farm, Sweet Heaven Food Products, Castaneto Dairy Products, Yel’s Homemade Food Products, PC Torres Enterprises, ABCs Organic Egg Production, Danilia Food Products, Rongie’s Food products, Dang-noy Smoked Fish, Zennor Hydrphonics, R&J Eggcellent Farm, SAKAHON, Ofelia’s Food Prodcuts, Plant Habitat, Grann Garden Shop, Modesta House of Empanada, Mama Jacq Kitchen, Sabado Integrated Farm, Lolli Pastillas, Lola Puring/Titilan, at Meliscent Fashion/Chantin Food Products.

Dumagsa ang mga suking mamimili kabilang na si Marieta Miclat na bumili ng mga sariwang gulay.

“Lagi akong namimili sa KADIWA dahil sigurado akong mura, de-kalidad at “sariling atin” ang mga produkto. Mas mura din mamili sa KADIWA dahil sa labas minsan ay double ang presyo,” ani Miclat.

Samantala, nagpasalamat si Adona Bernardino ng Brianna Food Creations sa oportunidad na makilahok sa mga trade fairs dahil nagdagdagan aniya ang mga kliente at minsan ay nagkakaroon pa siya ng mga reseller.

Limang taon nang nagtitinda ng coco jam, gourmet tuyo at chili garlic in olive oil si Bernardino. Nagmumula ang mga raw materials sa kaniyang farm sa Baler, Aurora.

“Since 2018 ay sumasali na ako sa mga trade fairs. Nadala na rin ang aming produkto sa South Korea noong December 2022 dahil Halal at Food and Drug Administration (FDA) approved ang mga ito,” kwento ni Bernardino

Layunin ng proyekto na ibida ang mga “women-led” agribusinesses. Sa ganitong mga KADIWA maipapakita umano ng mga kababaihan na puwede silang maging leader at boss sa kanilang enterprise.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon

#WEcanbeEquALL

#EmbraceEquity