Matagumpay na naidaos ang Central Luzon Farmers and Agri-based MSMEs (Micro, Small and Medium Enterprises) Summit na may temang “Enhancing Central Luzon’s Agriculture for MSMEs’ Sustainable Growth” noong Nobyembre 21 sa Cultural Center, San Manuel, Tarlac. Ang pagtitipong ito ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).

Layunin ng summit na palakasin ang koneksyon at kolaborasyon sa pagitan ng mga magsasaka at MSMEs upang higit na mapaunlad ang lokal na value addition, inobasyon, at inklusibong pag-unlad ng kani-kanilang kabuhayan.

Dinaluhan ito nina Assistant Secretary ng DA at Sagip Saka Atty. Joycel R. Panlilio; DA Central Luzon Regional Technical Director Dr. Irene Adion; DTI Region III Director Edna D. Dizon; mga kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Tarlac; at mga magsasaka at agri-enterprises mula sa buong rehiyon.

Ipinagmalaki ng iba’t ibang MSMEs mula sa pitong lalawigan ng Central Luzon ang kanilang mga produkto sa isang exhibit at selling area. Kasabay nito, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga magsasaka na makipagsosyo sa MSMEs para sa direktang suplay ng mga lokal na raw materials na kinakailangan sa kanilang produksiyon—isang mahalagang hakbang upang palakasin ang lokal na supply chain.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni ASec. Panlilio ang malaking benepisyo ng Sagip Saka Act para sa mga magsasaka. Ayon sa kanya, sa bisa ng batas na ito ay maaari nang direktang makapagbenta ang mga magsasaka ng kanilang agricultural products sa mga ahensiya ng pamahalaan nang hindi na dumaraan sa public bidding, basta’t sila ay rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS).

Kabilang sa mga mahalagang bahagi ng summit ang presentasyon at diskusyon tungkol sa mga makabagong teknolohiya sa Smart Farming at Digital Agriculture—mga sistemang layong mapataas ang kalidad ng produksyon. Tinalakay rin ang mas pinahusay na access sa pinansyal na suporta, risk management mechanisms, at pagpapalakas ng entrepreneurial mindset ng mga kalahok.

Bilang pagtatapos ng programa, nagsagawa ng commitment signing ang mga magsasaka at MSMEs bilang tanda ng kanilang dedikasyon sa patuloy na pag-unlad ng kani-kanilang kabuhayan at pagpapatatag ng kanilang magiging partnership.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong