Isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office III, sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang training-workshop para sa updating ng cost structure ng mga piling produktong agrikultural sa Gitnang Luzon na ginanap sa Redd Manor, City of San Fernando, Pampanga.

 

Layunin ng aktibidad na suriin at i-update ang kasalukuyang cost structure ng mga pangunahing produktong agrikultural upang magsilbing batayan sa wastong pagpepresyo ng mga ito sa merkado. Hangad din nitong mabigyan ang mga magsasaka ng sapat na kaalaman upang mapanatili ang kakayahang kumita ng kanilang produksyon at mapalakas ang kanilang kompetitibidad sa gitna ng pabago-bagong kalagayan ng merkado.

 

Dinaluhan ang aktibidad nina Regional Executive Director Eduardo L. Lapuz, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension Arthur D. Dayrit, Ph.D., at AMAD Supervising Agriculturist Maricel Dullas, Ph.D. Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang banner programs ng Kagawaran at mga Provincial Agriculturists at focal persons mula sa mga lalawigan ng rehiyon.

 

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Lapuz ang kahalagahan ng pagkakaroon ng updated na cost structure upang maprotektahan ang interes ng mga magsasaka at magkaroon ng makatwirang batayan sa pagtatakda ng presyo ng kanilang mga produkto.

 

“Kung mapapansin ninyo, may mga pagkakataong bigla na lamang bumababa ang presyo ng mga agricultural products kahit walang malinaw na dahilan. Ngunit kung mayroon tayong updated na cost structure, magkakaroon tayo ng matibay na batayan upang matukoy ang tamang farmgate price ng ating mga magsasaka at maiwasan ang hindi makatwirang pagbaba ng presyo,” ani Director Lapuz.

 

Kabilang sa mga produktong isinailalim sa pag-update ng cost structure ang palay, mais, sibuyas, lowland vegetables, baboy, at manok—mga pangunahing produktong may malaking ambag sa sektor ng agrikultura ng rehiyon.

 

Tinalakay rin sa workshop ang commodity flow ng bawat produkto, kabilang ang mga gastusin mula produksyon hanggang distribusyon, gayundin ang mga salik na nakaaapekto sa pagbuo ng presyo sa merkado. Sa pamamagitan ng mga datos at impormasyong nakalap, inaasahang makabubuo ng mas tumpak at napapanahong cost structure na magsisilbing gabay sa mga magsasaka at iba pang stakeholders sa sektor ng agrikultura.

 

Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DA na mapalakas ang agribusiness sector at maisulong ang kapakanan ng mga magsasaka sa ilalim ng adbokasiya ng Bagong Pilipinas.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong