CPAR Success Story: Tagumpay na Abot-Tanaw sa Bayan ng Anao
Malaking hamon para sa mga tradisyonal na magsasaka ng palay sa mga piling baranggay mula sa Bayan ng Anao, Tarlac na mapaunlad ang kanilang kabuhayan sapagkat iniaasa lamang nila sa tubig-ulan ang irigasyon ng kanilang pook sakahan. Hindi nila natitiyak kung kailan sasapit ang panahon ng tag-ulan at kung hanggang kailan ito magtatagal. Ang mga suliraning ito sa patubig ay ang pangunahing dagok sa kanilang pagsasaka.
Dahil hindi sapat ang kanilang puhunang pinansyal sa pagpapalay, nagresulta ito sa pagbaba ng kanilang produksyon at kita kada anihan. Maliban dito ay hindi din sapat ang mga kaalaman nila patungkol sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Bilang tugon sa mga suliraning ito ay inilunsad ng Central Luzon Integrated Agricultural Research Center sa ilalim ng DA– Regional Field Office III kaagapay ang Department of Agriculture (DA) – Bureau of Agricultural Research sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office ng Bayan ng Anao ang proyektong: “Community-Based Participatory Action Research (CPAR) on Integrated Rice-Based Farming Systemn in the Rainfed areas of Barangay Bantog, Rizal, Sinense and Suaverdez, Anao, Tarlac.”
Sa tulong ng proyektong CPAR ay isinailalim sa masusing pag-aaral at pag-sasanay ang (40) apat na pung piling farmer cooperators mula sa mga Barangay ng Bantog, Rizal, Sinense at Suaverdez sa Bayan ng Anao, Tarlac. Sa pangunguna ng mga kawani ng CLIARC ay itinuro sa kanila ang mga paraan sa paggamit ng dekalidad na mga binhing palay, tamang pangangalaga sa pananim at pagkontrol sa mga peste o insekto. Naibahagi din sa kanila ang mga kasanayan patungkol sa organikong paraan ng pagtatanim ng gulay. Nakilala nila ang teknolohiyang Vermicomposting o paglikha ng pataba sa tulong ng mga ANC (African Night Crawler) na isang uri ng bulate na nagpapabilis sa pag-dedecompost ng mga nabubulok na mga bagay at paglikha ng Bio-Fertilizer.
Hinasa rin ang kanilang kaalaman sa pangangalaga ng mga hayop. Kung noon ay limitado lamang ang kanilang alam na alagaan gaya ng manok at baboy, sa inisyatibo ng CPAR ay natuto na rin sila ngayon na mag-alaga at mag-parami ng upgraded na uri ng kambing at tupa na mas mahal ang presyo kapag naibenta kumpara sa mga ordinaryong uri nito.
Ayon kay G. Angelito Peralta, isang farmer cooperator: “Malaking tulong po yung naibigay ng CPAR sa amin dahil tinuruan po nila kami kung paano mag-alaga ng gulay, palay at mais, pati organic farming.
Pinakamahalaga po dito yung sa paghahayop. Dati po, palagi kaming namamatayan ng mga alagang hayop, Mabuti na lang at dumating ang CPAR. Tinuruan po nila kami ng tamang pag-aalaga ng hayop.”
Nabuksan din ang kaisipan ng mga kalahok sa konsepto ng Integrated Farming System na kung saan ito ay naglalayon na makapagbigay ng dagdag pagkakakitaan at makapag-recycle ng kanilang mga resources o mapagkukunan na siya namang magreresulta sa mababang gastos sa produksyon. Natutunan ng mga farmer cooperators na maaari silang magtanim ng Mungbean at magkaroon ng dagdag kita mula rito.
Maaari rin sila kumita sa pataba mula sa vermicomposting dahil ito ay magagamit nila sa kanilang pagsasaka at ito rin ay mabenta sa merkado. Sa ilalim din ng CPAR ay itinatag din ang (FFS) Farmers Field School cum Technology Demonstration upang aktuwal na maipamalas at maituro ang mga teknolohiya sa pagpapataas ng ani sa pagtatanim ng Hybrid Corn at Hybrid at Inbred Rice.
Bukod dito binigyang halaga din ng proyekto ang pagtulong sa pagpapanumbalik at pagpapatibay ng mga farmer organizations sa Bayang ng Anao. Sa ganitong paraan ay mapabibilis ang pagtanggap nila ng mga tulong mula sa mga programa ng pamahalaan at para rin sila ay mapagkalooban ng mga farm machineries na malaking tulong sa pag-papaunlad ng kanilang pagsasaka.
Bukod sa resultang mas masaganang ani at mas mataas na kita ay napatatag din ng CPAR ang pagsasamahan ng mga pamilya ng mga magsasaka sa Bayang ng Anao. Sa ngayon, ay naisasangkot na rin nila at nagiging katuwang ang kanilang mga asawa at mga anak sa mga piling aktibidad sa bukid.