Nagsagawa ng konsultasyon ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) kasama ang ilang grupo ng magsasaka mula sa Gitnang Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR) noong ika-10 ng Enero sa DA CAR Old Conference Hall, BPI Compound, Guisad, Baguio City.

Ipinahayag ni AMAS Officer-in-Charge Director Junibert De Sagun ang layunin ng ginanap na aktibidad. “This consultation will be a fruitful one, hopefully makahingi tayo ng insights and recommendations from our stakeholders. As we go along, nakikita natin kung ano pa ang kulang, ano pa ang kailangan para pagandahin ang mga proyekto at programa,” ani OIC-Director Sagun.

Katuwang ang Agribusiness and Marketing Assistance Division ng ikatlong rehiyon at CAR, napag-usapan ang ilan sa mga suliranin ng mga lokal na magsasaka sa transportasyon, pagbebenta ng kanilang produkto, limitadong kapital at kakulangan ng mga pasilidad na imbakan ng ani.

Ibinahagi ni Macro-Economic Policy Division Chief Tisha Pia Dela Rosa ang direktiba at estratehiya na proyekto at programa ng ahensiya upang matiyak ang seguridad sa pagkain. Tinalakay niya ang The 8-Point Socioeconomic Agenda, National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan at DA Priority Areas.

Samantala, iniulat ni AMAS Representative Irish Joan Atibo ang direktiba ng National Government para sa sektor ng Agribusiness tulad ng Kadiwa Program at iba pang programa na nakaangkla sa marketing support.

Kasabay nito, dumalo rin sa pulong sina Regional Executive Director Cameron Odsey, Regional Technical Director for Operations Danilo Daguio at AMAD Chief Joan Bacbac ng DA-CAR, Senior Agriculturist Menchie Nogoy at ilang empleyado mula sa DA-Central Luzon.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon