Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) at Pamahalaang Panlungsod ng Meycauayan sa isinagawang ceremonial signing sa Kariktan ng Meycauayan, Barangay Pajo, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan, noong ika-1 ng Marso.

Layunin ng ceremonial MOA signing na mas mapalakas at mapaigting ang Urban Agriculture o Urban Farming sa naturang lungsod upang mas tumaas pa ang produksiyon ng mga sariwa at lokal na produktong pang-agrikultura.

Kabilang sa mga lumagda sa nasabing MOA sina Undersecretary for DA Bureaus Mercedita Sombilla, Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban, Philippine Bamboo Development Industry Council (PBDIC) Executive Director Rene Madarang, DA RFO 3 OIC-Regional Executive Director Eduardo Lapuz, Jr., City Mayor Henry Villarica, at 4th District of Bulacan Representative Linabelle Ruth Villarica.

Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Villarica ang DA dahil sa pagpayag nito sa kasunduang maging katuwang ng lungsod sa pagtataguyod ng sektor ng agrikultura sa kanilang lugar.

Samantala, sa mensahe naman ni Usec. Sombilla ay malugod naman niyang tinanggap ang sinabi ng alkalde.

Gayundin, kabilang sa mga nagbigay ng kanilang pagsuporta sina BPI Director Panganiban, PBDIC Executive Director Madarang, at Congresswoman Villarica.

Maliban sa paglagda sa MOA, isang ceremonial tree planting activity rin ang isinagawa sa naturang lugar na pinangunahan ng mga dumalong opisyales ng DA at Meycauayan Local Government Unit bilang pagtatapos ng programa at pagpapatibay sa kasunduan.

Ang Urban Agriculture ay isang proseso ng pagtatanim at pagpapalaki ng anumang uri ng halaman, prutas, o gulay sa loob ng isang lungsod. Ito ay nagbibigay-daan sa pagbuo ng iba’t ibang benepisyong pangkapaligiran, pang-ekonomiya, at panlipunan sa mga nakapaligid na komunidad.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon