Isinagawa ang “Mental Health First Aid and Psychological First Aid Training for Supervisors & Human Resource Practitioners” noong ika-19 ng Mayo sa Ephatha Development Center, Maimpis City San Fernando, Pampanga sa pangunguna ng Human Resource Management Section.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga supervisor at human resource practitioners ng sapat na kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga usaping pangkalusugang pangkaisipan sa lugar ng trabaho. Tinalakay sa programa ang kahalagahan ng maagang pagkilala sa mga senyales ng stress, emosyonal na suliranin, at iba pang mental health concerns upang makapagbigay ng agarang suporta sa mga empleyado at mapanatili ang isang ligtas at progresibong opisina.
Pinangunahan ni Nicolie D. Feliciano, RPsy, RPm, bilang Subject Matter Expert ang mga talakayan tungkol sa Understanding Mental Health First Aid (MHFA), Mental Health in the Workplace, Identifying Signs of Stress and Distress, Psychological First Aid (PFA), referral process, at self-care for supervisors.
Ayon kay Chief of the Human Resource Management Section Nikki Dyan C. Arcayan, “Bilang mga lider, ang ating responsibilidad ay hindi lamang nakatuon sa pagtupad ng mga layuning pang-operasyon. May tungkulin din tayong pangalagaan ang kapakanan ng iba, lalo na ng ating mga kasamahan sa trabaho. Sa pamamagitan ng Mental Health First Aid at Psychological First Aid training, mas nagiging handa ang ating mga supervisor at HR practitioners na sumagot sa mga empleyado nang may malasakit, propesyonalismo, at angkop na suporta lalo na sa mga mahihirap na sitwasyon.”
Sa kaniyang closing remarks, binigyang-diin ni OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Elma S. Mananes, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at malusog na samahan sa loob ng ahensya. “Ginagawa natin ito for the agency, and of course for our farmer clientele. And syempre, mas masarap pa rin yung feeling na healthy ang working environment natin. Sana we must promote a healthy working relationship amongst us, DA Central Luzon.”
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong




