Namahagi ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ng tig-Php 3,000 fuel assistance sa 447 magsasaka ng palay sa Ricardo Silverio Municipal Gymnasium, San Miguel, Bulacan noong Setyembre 24, 2025.
Ang pamamahaging ito ay bahagi ng serye ng distribusyon ng fuel assistance na isinasagawa sa iba’t ibang probinsya ng Gitnang Luzon.
Ang programang Fuel Assistance to the Farmers Project ay nakatuon sa mga magsasakang nakarehistro sa RSBSA na may 2.01 hanggang 3.0 ektaryang sinasaka.
Layunin nito na maibsan ang pasanin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo na mahalaga sa produksyon ng palay.
Hindi maaaring i-withdraw bilang cash ang nasabing ayuda at ito ay eksklusibong magagamit sa pagbili ng gasolina o diesel sa mga gasolinahang tumatanggap ng card payment.
Maaari itong gamitin nang sabay-sabay o paunti-unti depende sa pangangailangan ng magsasaka.
Ayon kay Gigi Mito, isa sa mga benepisyaryo, “Malaking tulong po ito sa aming mga magsasaka dahil nababawasan ang gastusin sa krudo na ginagamit namin sa pagsasaka.”
Dagdag pa niya, “Lubos po kaming nagpapasalamat sa Department of Agriculture dahil patuloy nilang pinaparamdam ang suporta at malasakit sa aming sektor.”
Sa buong lalawigan ng Bulacan, 1,637 magsasaka ang makatatanggap ng nasabing fuel assistance na bahagi ng layunin ng pamahalaan na mapanatiling matatag at produktibo ang sektor ng agrikultura.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong












