Sa pangunguna ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), isinagawa ang pagsuri sa pagkakagawa ng mga konstruktor ng mga proyektong pang-imprastruktura ng DA RFO 3 nitong ika-26 hanggang 29 ng Pebrero.

Naging katuwang sa aktibidad na ito ang Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) bilang DA Constructors’ Performance Evaluation System – Implementing Unit (CPES-IU) at CPES Evaluation Team na binubuo ng mga miyembro mula sa iba’t ibang rehiyon.

Layunin ng ebalwasyon na tiyakin ang maayos na paggawa at pagkumpleto sa lahat ng mga proyektong pang-imprastruktura ng kagawaran at masiguro ang matibay na pagsunod ng mga konstruktor sa plano at mga ispesipikasyon.

Apat na proyekto ang sinuri at ito ang mga sumusunod: Construction of Biosecure Swine Finisher Operation Facility under INSPIRE program sa San Luis, Pampanga; Construction of Biosecure Swine Finisher Operation Facility under INSPIRE program sa Porac, Pampanga; Construction of Onion Cold Storage Facility sa Brgy. Calancuasan Sur, Cuyapo, Nueva Ecija; at Conversion of Mushroom Growing House into Training Facility with Dormitory sa Brgy. Rabanes, San Marcelino, Zambales.

Sa Exit Conference ng nasabing aktibidad sinabi ni RAED Division Chief Engr. Elmer Tubig na kailangang pagtuunan ng pansin ang mga aspeto na maaari pang paigtingin upang masiguro ang mas mahusay na implementasyon ng mga proyekto. Aniya na sa pagsuporta sa mga rekomendasyon ng mga tagasuri, matitiyak ang patuloy na pagpapabuti ng mga proyekto para sa ikauunlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.

Ayon naman kay CPES Team Leader Engr. Francia Macalintal, “Ang tinitingnan po ng CPES ay ang performance ng contractor, kung papaano nila ini-implement ang mga approved designs and specifications. Hindi po ito fault finding kung hindi gusto lang nating masiguro na maayos ang mga proyekto kasi pinoprotektahan natin ang pera ng gobyerno.”

Samantala, nagpapasalamat naman si Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit sa pagsasagawa ng aktibidad sa ikatlong rehiyon. Aniya, “This evaluation will be taken on our part positively to rectify things based on your observations. We will also take them as reference for our procurement.”

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon