Sa pangunguna ng Regional 4K Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon ay isinagawa ang pagsasanay na “Empowering IP Farmers: Social Preparation, Biological Control of Vegetable Pest and Diseases, Basic Book Keeping and Project Proposal Writing” na ginanap sa Greene Manor, Lungsod ng San Fernando, Pampanga noong ika-14 hanggang ika-17 ng Hulyo.
Ang mga ganitong aktibidad ay hakbang patungo sa mas matatag, mas produktibo, at mas likas-kayang pagsasaka sa mga komunidad ng ating mga kapatid na katutubo.
Dumalo at nagbigay suporta sa pagsasanay sina Regional Technical Director for Special Concerns Engr. Juanito Dela Cruz, Regional 4K Focal Person Melody M. Valdez at mga katuwang na opisyal mula sa Lokal na Pamahalaan ng Pampanga.
Tinatayang nasa mahigit 30 mga katutubong binubuo ng iba’t ibang organisasyon mula sa mga lalawigan ng ikatlong rehiyon ang kasali sa aktibidad.
Pinag-usapan dito ang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA na naglalayong kilalanin, pangalagaan, at itaguyod ang mga karapatan ng Indigenous Cultural Communities/Indigenous People (ICCs/IPs).
Naibahagi din sa mga IPs ang mga mahahalagang programa ng 4K na nagsusulong na paunlarin ang mga minanang lupang sakahan ng mga Pilipinong katutubo upang maging produktibo, kumikita, napapakinabangan at makabuo ng matibay na istrukturang kalakalan na pang agrikultura.
Upang matulungan naman sila sa pagkakaroon ng maayos na talaan ng kanilang mga isinasagawang transaksyon, maayos, kumikita at ligtas na pagsasaka ay tinuruan din sila sa Basic Bookkeeping; mga prinsipyo ng Philippine Good Agricultural Practices o PhilGAP; paggawa ng Project Proposal at paghahanda ng simpleng Letter of Intent at Board Resolution.
Natuto din ang mga IPs tungkol sa produksyon ng ube at pamamahala ng peste at sakit sa pamamagitan ng paggamit ng mga Biological Control Agents tulad ng Trichoderma, Metarhizium, Earwig, at kulisap Trichogramma.
Nagpasalamat naman si Marilou Bacani, Punong Barangay ng Barangay Mawacat sa Floridablanca, Pampanga.
“Natuto po kaming magrecord sa mga lumalabas at pumapasok na pera ng kooperatiba. Isa papo, akala namin lahat ng isekto ay dapat patayin hindi pala, kailangan pala itira ang mga kaibigang kulisap”, wika ni Bacani.
Sa huli ay namigay naman ng mga planting materials at mga biological control agents ang 4K program para sa mga katutubong nakilahok sa pagsasanay.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong



