Bilang pagkilala sa ambag ng mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain at pag-unlad ng sektor ng agrikultura, idinaos ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon ang Farmers and Fisherfolk’s Month 2026 Weeklong Celebration noong ika-26 hanggang ika-28 ng Mayo sa Tarlac City Gymnatorium, Brgy. Baras-baras, Tarlac City.

Nagsilbing culmination activity ang tatlong araw na pagtitipon para sa pagdiriwang ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda na may temang “Pagbibigay-pugay sa Magsasaka’t Mangingisda sa Gitna ng Hamon at Krisis.”

Tuwing Mayo ipinagdiriwang sa bansa ang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33 na nilagdaan noong Mayo 21, 1989. Isinasagawa ang pagdiriwang bilang pagkilala at pagpupugay sa mga magsasaka at mangingisda na may mahalagang papel sa produksyon ng pagkain, seguridad sa pagkain, at pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa unang araw ng selebrasyon, namahagi ang DA-RFO III ng mga makinaryang pang-agrikultura, kagamitan, at iba pang interbensyon sa 178 farmers’ cooperatives and associations mula sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon.

Kabilang sa mga ipinagkaloob na tulong ang shallow tube well, tractor, multicultivator, corn seeder, hauling truck, harvester, at iba pang kagamitan na makatutulong sa pagpapabilis ng mga gawain sa bukid, pagpapababa ng gastos sa produksyon, at pagpapataas ng ani at kita ng mga benepisyaryong samahan.

Nakiisa rin sa pagbubukas ng aktibidad ang iba’t ibang kumpanya at establisimyentong may kaugnayan sa agrikultura upang itampok ang kanilang mga produkto, kagamitan, at teknolohiyang maaaring magamit ng mga magsasaka sa pagpapalakas ng kanilang produksyon at kabuhayan.

Bukod dito, lumahok din ang mga KADIWA exhibitors upang ibida at ibenta ang kanilang mga produktong agrikultural. Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na prodyuser na mailapit ang kanilang produkto sa mga mamimili at makapagsulong ng mas direktang ugnayan sa merkado.

Sa mga sumunod na araw ng aktibidad, isinagawa ang mga presentasyon hinggil sa iba’t ibang programa at serbisyong handog ng DA at mga katuwang nitong ahensya para sa mga magsasaka, mangingisda, at samahan sa rehiyon.

Tinalakay sa mga sesyon ang mga programa kaugnay ng CSO Accreditation, High Value Crops Development Program, National Urban and Peri-Urban Agriculture Program, Rice Program, Corn Program, Livestock Program, Organic Agriculture Program, at Philippine Good Agricultural Practices o PhilGAP.

Ipinakilala rin sa mga kalahok ang mga serbisyong iniaalok ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), National Irrigation Authority(NIA), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).

Naging bahagi rin ng talakayan ang market matching, Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System, at Sagip Saka Program na naglalayong mapalawak ang access ng mga magsasaka at mangingisda sa merkado, impormasyon, financing, insurance, irigasyon, mekanisasyon, at iba pang suporta mula sa pamahalaan.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga opisyal at kawani ng DA, mga lokal na opisyal at kawani ng Tarlac, provincial at municipal agriculturists mula sa Gitnang Luzon, farmers’ cooperatives and associations, kinatawan mula sa DA attached agencies gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Agricultural Training Institure (ATI), PhilRice, PCIC, PHilMech, at NIA, gayundin ng iba pang stakeholder sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

   

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong