Binuksan ng Department of Agriculture (DA) para sa Gitnang Luzon ang isang KADIWA market sa National Housing Authority Compound, SACOP Compound, Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, upang maipagbili ang sariwa at murang gulay ng mga magsasaka mula sa Cordillera Administrative Region.

Pinangunahan ng DA-Gitnang Luzon sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division, katuwang ang DA – Cordillera, ang aktibidad na nagsimula kahapon, Abril 7, 2026, at magpapatuloy pa rin ngayong araw.

Kabilang sa mga gulay na mabibili sa KADIWA ang repolyo, chinese cabbage, pipino, beans, sayote, talong, passion fruit, cauliflower, at bell pepper, na may tinatayang kabuuang dami na 1,820 kilo.

Layunin ng KADIWA na suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng direktang bentahan ng kanilang ani sa mamimili, sabay na nag-aalok ng abot-kayang presyo sa publiko.

Ang naturang aktibidad ay bahagi ng patuloy na programa ng DA na magdala ng sariwa at abot-kayang produkto sa mga merkado sa buong rehiyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong