Nasa 483 magsasaka mula sa Zaragoza, Quezon, Aliaga, Sto. Domingo, at Licab ang nakatanggap ng ng Fuel Assistance sa ilalim ng Fuel Assistance to the Farmers Project (FAFP) ng Department of Agriculture – Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) sa isinagawang distribusyon noong Setyembre 30, 2025 sa bayan ng Aliaga.

Ang mga benepisyaryo, na pawang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagtatanim ng palay sa 2.01 hanggang 3.00 ektarya, ay tumanggap ng cash card na may halagang 3,000 pesos.

Ayon kay FAFP Alternate Focal Person Carina Miranda, ang card ay hindi maaaring i-withdraw bilang cash kundi eksklusibong magagamit sa pagbili ng gasolina o diesel sa mga gasolinahang tumatanggap ng card payment.

“Ito pa lamang ang unang batch ng pamamahagi ng fuel assistance sa Nueva Ecija. Magpapatuloy ang distribusyon upang mas marami pang magsasaka sa lalawigan ang makinabang,” pahayag niya.

Ang naturang aktibidad ay isasagawa rin sa iba’t ibang probinsya ng Gitnang Luzon bilang bahagi ng mas malawak na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura, lalo na sa mga magsasakang direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Layunin ng proyektong ito na mapagaan ang gastos sa produksyon at mapanatili ang kasapatan ng suplay ng bigas sa rehiyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong