DA, magkakaloob ng ayuda sa 59K magpapalay sa Nueva Ecija
Inilunsad ang Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) sa pangunguna ng Rice Banner program ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon sa Cabanatuan Nueva Ecija nitong ika-24 ng Nobyembre.
Ang RCEF-RFFA ay ang pagbibigay ng 5,000 pisong direktang cash assistance para sa mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na nagsasaka ng dalawang ektarya pababa. Ang pondo ay mula sa P7.6 bilyong labis na koleksyon ng taripa mula sa pag-import ng bigas noong 2019 at 2020. Sa pamamagitan ng Rice Tariffication Law (RTL), P10 bilyon din ang inilalaan taun-taon para sa RCEF.
Tinatayang nasa 59,000 magsasaka sa lalawigan ng Nueva Ecija ang makikinabang sa programa.
Dinaluhan ang paglulunsad ng Kalihim ng DA William Dar na ipinaabot ang mga magandang naidulot ng RTL sa bansa. Kabilang dito ang mga magsasaka ng palay na ngayon ay nagtatamasa ng mas mataas na ani at mas mababang gastos sa produksyon, habang ang mga mamimili ay nakikinabang sa sapat at abot-kayang bigas dahil sa RCEF at ng National Integrated Rice Program at ang naitalang ani ng palay na 19.4 million metric tons (MMT) noong 2020, na nagtakda ng panibagong record ngayong taon na may mahigit 20MMT ani ng palay.
Sa pakikipagtulungan din ng DA sa Development Bank of the Philippines (DBP) at LandBank ay mabibigyan ng Regional Field Office ang mga magsasaka ng Interventions Monitoring Card (IMC) na magsisilbing cash card at identification (ID).
Malaki naman ang pasasalamat ng magsasakang si Nancy Santos Jose mula Pantabangan, Nueva Ecija sa mga ayudang natanggap na niya mula sa DA.
“Maraming salamat po sa DA, sa RFFA at kay Secretary William Dar at malaki po ang aming natanggap na tulong sa aming mga magsasaka. Hindi rin po ito ang unang beses na nakatanggap kami ng ayuda dahil dalawang beses narin po kami nakatanggap ng libreng binhi at pataba galing sa inyo. Muli po maraming salamat”, sambit ni Jose.
Sa taong ito, nasa 177,309 magspapalay ng Gitnang Luzon ang makakatanggap ng kabuuang cash assistance na nagkakahalaga ng P886.5M sa pamamagitan ng RFFA.