Sa layuning mapabuti ang sektor ng agrikultura, ipinamahagi ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA – RFO 3) ang kabuuang halaga na P18,360,000 na mga makinarya sa pagsasaka sa tatlong lalawigan ng ikatlong rehiyon.

Ang pangunahing layunin ng pamamahagi ng mga makinarya ay upang mapalakas ang mekanisasyon sa pagsasaka, mapababa ang gastos sa produksyon, at mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka sa rehiyon.

Isinagawa ito mula Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 6, 2025, sa Research Outreach Station for Lowland Development sa Paraiso, Tarlac.

Kabuuang 13 yunit ng makinarya ang ipinamahagi sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka sa tatlong lalawigan.

Sa Bulacan, ipinamahagi ang 6 na yunit ng Four-Wheel Drive Tractor sa mga sumusunod na kooperatiba: Sapang Putik Sahod Ulan Farmers Agriculture Cooperative, Colonia Palay Vegetables Farmers Irrigators Association of San Ildefonso, Inc., Pinambaran Farmers Association Coop, Pulong Yantok Rice and Livestock Farmers Association, Sta. Catalina Bata-Matanda Irrigators Association, Inc., at Biyaya ng Matangtubig Irrigators Association, Inc.

Sa Tarlac, 2 yunit ng Rice Combine Harvester at 2 yunit ng Hand Tractor ang ipinamahagi sa mga kooperatiba tulad ng Sta. Maria Kapatanian Agriculture Cooperative, Bagong Jerusalem Farmers Field School Agriculture Cooperative, at Aranguren Agriculture Cooperative.

Sa Zambales, 3 yunit ng Four-Wheel Drive Tractor na nagkakahalaga ng P4,800,000 ang ipinamahagi sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka sa probinsiya, kabilang na ang Reserva Baculi Lowlanda and Upland Farmers Association, Malabago Farmers Association, at Biay Farmers Agriculture Cooperative.

Dumalo sa aktibidad sina Dr. Ricky Manguerra, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Tarlac, at Memito Luyun III, APCO ng Bulacan, upang personal na magbigay ng suporta sa programa.

Inaasahan na sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiyang ito, tataas ang ani ng mga magsasaka at magiging mas epektibo ang kanilang produksyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong