Sa patuloy na suporta ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) para sa sektor ng agrikultura, nagpapatuloy ang pamamahagi ng fuel assistance sa mga magsasaka sa Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija, noong Nobyembre 25, 2025.
Matagumpay na naipamahagi ng DA RFO 3 ang fuel assistance sa 147 magsasaka mula sa naturang lungsod sa pamamagitan ng pamimigay ng fuel cards na nagkakahalaga ng ₱3,000 bawat isa. Layunin nitong mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga magsasaka at mangingisda na apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina, sa pamamagitan ng fuel assistance sa pagbili ng gasolina para sa mga makinaryang pang-agrikultura at pangisdaan.
Ang mga napiling benepisyaryo ng fuel subsidy ay ang mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), na may lawak ng lupang sakahan na mula 2.01 hanggang 3.00 ektarya at gumagamit ng makinarya sa kanilang mga bukirin.
Ang mga ipinamahaging fuel cards ay maaaring gamitin sa mga gasoline station na tumatanggap ng card payment para sa pagbili ng gasolina, diesel, at langis para sa mga makinaryang pangsakahan.
Patuloy namang ipinatutupad ng DA ang pamamahagi ng fuel cards sa iba’t ibang munisipalidad sa Rehiyon III, bilang bahagi ng kanilang pangako na magbigay ng tulong sa mga magsasakang nangangailangan at nagpapatuloy sa paggamit ng makinarya sa kanilang mga gawain sa agrikultura.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong














